5
1 “Pakinggan ninyo ito, mga pari!
Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, sambahayan ng hari!
Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan.
Kayo'y naging bitag sa Mizpa,
at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor.
2 Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan,
kaya't paparusahan ko kayong lahat.
3 Kilala ko si Efraim;
walang lihim sa akin ang Israel;
sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama,
at ang Israel naman ay naging marumi.”
Babala Laban sa Pagsamba sa mga Diyus-diyosan
4 Dahil sa kanilang mga ginawa,
hindi na sila makapanumbalik sa Diyos.
Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan,
at hindi nila nakikilala si Yahweh.
5 Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya.
Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan;
at kasama niyang matitisod ang Juda.
6 Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka
upang hanapin si Yahweh,
subalit siya'y hindi nila matatagpuan;
lumayo na siya sa kanila.
7 Naging taksil sila kay Yahweh;
kaya't nagkaanak sila sa labas.
Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan.
Digmaan ng Juda at ng Israel
8 “Hipan ang tambuli sa Gibea!
Hipan ang trumpeta sa Rama!
Ibigay ang hudyat sa Beth-aven!
Nasa likuran mo na sila, Benjamin!
9 Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig.
Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari.
10 “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda;
binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain.
Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot.
11 Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan,
sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan.
12 Ako'y parang kalawang sa Efraim,
at bukbok sa sambahayan ni Juda.
13 “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman,
at ni Juda ang kanyang mga sugat,
si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria.
Subalit hindi na siya kayang pagalingin,
hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat.
14 Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim,
parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda.
Lalapain ko ang Juda saka iiwan,
at walang makakapagligtas sa kanila.
15 “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan
hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan,
at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.”