6
Hindi Taos ang Pagsisisi ng Israel
1 “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh;
sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling.
Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot.
2 Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo;
sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon,
upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan.
3 Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala.
Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala,
tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig,
tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.”
Ang Tugon ni Yahweh
4 “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim?
Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda?
Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga,
gaya ng hamog na dagling napapawi.
5 Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta,
at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita;
simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking hatol.
6 Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog,
pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog.
7 “Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan,
nagtaksil kayo sa aking pag-ibig.
8 Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan,
tigmak sa dugo ang mga lansangan nito.
9 Nagkakaisa ang mga pari,
parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin.
Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem;
mabigat na kasalanan ang ginagawa nila.
10 Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel.
Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan.
11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.