9
Ang Parusa sa Patuloy na Pagtataksil ng Israel
Huwag kang magalak, Israel!
Huwag kang magdiwang tulad ng ibang mga bansa,
sapagkat naging tulad ka ng mahalay na babae.
Tinalikuran mo ang iyong Diyos at nakipagtalik sa iba-ibang lalaki.
Ikinatuwa mong ika'y isang babaing bayaran,
kahit saang lugar ika'y sinisipingan.
Ngunit ang ginagawa nila sa giikan at sa pisaan ng alak ay hindi nila ikabubuhay,
at ang bagong alak ay hindi nila matitikman.
Hindi sila mananatili sa lupain ni Yahweh;
subalit ang Efraim ay magbabalik sa Egipto,
at kakain sila sa Asiria ng mga pagkaing nagpaparumi at ipinagbabawal.
 
Hindi na sila papayagang maghandog ng alak kay Yahweh,
at hindi naman siya malulugod sa kanilang mga handog.
Ang pagkain nila'y matutulad sa pagkain ng namatayan;
magiging marumi ang lahat ng kakain nito.
Sapagkat ang pagkain nila'y para lamang sa kanilang katawan;
hindi iyon maihahandog sa Templo ni Yahweh.
 
Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan,
at sa araw ng kapistahan ng pagdiriwang para kay Yahweh?
Makatakas man sila sa pagkawasak,
titipunin rin sila ng Egipto,
at ililibing sa Memfis.
Matatakpan ng damo ang kanilang mga kagamitang pilak;
at tutubuan ng dawag ang mga tahanan nilang wasak.
 
Dumating+ na ang mga araw ng pagpaparusa,
sumapit na ang araw ng paghihiganti;
ito'y malalaman ng Israel.
Ang sabi ninyo, “Mangmang ang isang propeta,
at ang lingkod ng Diyos ay baliw!”
Totoo iyan sapagkat labis na ang inyong kasamaan,
at matindi ang inyong poot.
Ang propeta'y siyang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos,
ngunit may bitag na laging sa kanya'y nakaumang,
at kinapopootan siya maging sa templo ng kanyang Diyos.
Nagpakasamang+ lubha ang aking bayan
gaya ng nangyari sa Gibea.
Gugunitain ng Diyos ang kanilang kalikuan,
at paparusahan ang kanilang mga kasalanan.
Ang Kasalanan ng Israel at ang mga Resulta Nito
10 “Ang+ Israel ay tulad ng mga ubas sa ilang,
gayon sila noong una kong matagpuan.
Parang unang bunga ng puno ng igos,
nang makita ko ang iyong mga magulang.
Ngunit nang magpunta sila sa Baal-peor,
sila'y naglingkod sa diyus-diyosang si Baal,
at naging kasuklam-suklam gaya ng diyus-diyosang kanilang inibig.
11 Ang kaningningan ng Efraim ay maglalaho, para itong ibong lumipad na palayo.
Wala nang isisilang, walang magdadalang-tao, at wala na ring maglilihi.
12 At kahit pa sila magkaroon ng mga anak,
kukunin ko ang mga ito hanggang sa walang matira.
Kahabag-habag sila
kapag ako'y lumayo na sa kanila!
13 Gaya ng aking nakita, ang mga anak ni Efraim ay nakatakdang mapahamak.
Mapipilitan ang kanilang ama na dalhin sila sa patayan.”
14 O Yahweh, bigyan mo po sila ng mga sinapupunang baog
at ng mga susong walang gatas.
Hinatulan ni Yahweh ang Efraim
15 “Lahat ng kanilang kasamaan ay nagpasimula sa Gilgal;
doon pa ma'y kinapootan ko na sila.
Dahil sa kasamaan ng kanilang gawain
sila'y palalayasin ko sa aking tahanan.
Hindi ko na sila mamahalin pa;
mapaghimagsik ang lahat ng kanilang mga pinuno.
16 Mapapahamak ang Efraim,
tuyo na ang kanyang mga ugat;
hindi na sila mamumunga.
At kung magbunga ma'y papatayin ko
ang pinakamamahal nilang mga supling.”
Nagsalita ang Propeta tungkol sa Israel
17 Itatakwil sila ng aking Diyos
sapagkat hindi sila nakinig sa kanya;
sila'y magiging palaboy sa maraming mga bansa.
+ 9:7 Lu. 21:22. + 9:9 Huk. 19:1-30. + 9:10 Bil. 25:1-5.