10
1 Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong
at hitik sa bunga ang mga sanga.
Habang dumarami ang kanyang bunga,
dumarami rin naman ang itinatayo niyang altar.
Habang umuunlad ang kanyang lupain,
lalo niyang pinapaganda ang mga haliging sinasamba.
2 Marumi ang kanilang puso
at ngayo'y dapat silang magdusa.
Wawasakin ni Yahweh ang kanilang mga altar,
at sisirain ang mga haliging sinasamba.
3 Ngayon nama'y sasabihin nila,
“Wala kaming hari,
sapagkat hindi kami sumasamba kay Yahweh.
Ngunit ano nga ba naman ang magagawa ng isang hari para sa amin?”
4 Puro siya salita ngunit walang gawa;
puro pangako ngunit laging napapako;
ang katarungan ay pinalitan ng kawalang-katarungan,
at ito'y naging damong lason na sumisibol sa buong lupain.
5 Matatakot at mananaghoy ang mga taga-Samaria
dahil sa pagkawala ng mga guya sa Beth-aven.
Ipagluluksa ito ng sambayanan;
mananangis pati mga paring sumasamba sa diyus-diyosan,
dahil sa naglaho nitong kaningningan.
6 Ang diyus-diyosang ito'y dadalhin sa Asiria
bilang kaloob sa dakilang hari.
Mapapahiya ang Efraim,
at ikakahiya ng Israel ang mga itinuring nilang diyos.
7 Ang hari ng Samaria ay mapapahamak
tulad ng sanga na tinatangay ng tubig.
8 Wawasakin ang mga altar sa burol ng Aven,
na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
Tutubo ang mga tinik at dawag sa mga altar,
at sasabihin nila sa kabundukan, “Itago ninyo kami,”
at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.”
Hinatulan ni Yahweh ang Israel
9 Sinabi ni Yahweh, “Ang Israel ay patuloy sa pagkakasala;
mula pa noong sila'y nasa Gibea.
Dahil dito'y aabutan siya ng digmaan sa Gibea.
10 Sasalakayin ko ang bayan,
at magsasanib ang mga bansa laban sa inyo.
Kayo'y pinarusahan ko dahil sa patung-patong na kasalanan.
11 “Ang Efraim ay parang dumalagang baka
na sanay at mahilig sa gawang paggiik,
ngunit ngayo'y isisingkaw ko na siya;
ang Juda ang dapat humila ng araro;
at ang Israel naman ang hihila ng suyod.
12 Maghasik kayo ng katuwiran,
at mag-aani kayo ng tapat na pag-ibig.
Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa,
sapagkat panahon na upang hanapin natin si Yahweh.
Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng pagpapala.
13 Ngunit naghasik kayo ng kalikuan,
at kawalang-katarungan ang inyong inani,
kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan.
“Dahil sa pagtitiwala ninyo sa inyong mga kapangyarihan,
at sa lakas ng marami ninyong mandirigma,
14 masasangkot sa digmaan ang inyong bayan,
at mawawasak lahat ng inyong mga kuta,
gaya ng ginawa ni Salman sa Beth-arbel nang salakayin niya ito
at patayin ang mga ina at mga bata.
15 Ganito ang gagawin sa sambahayan ng Israel,
sapagkat malaki ang inyong kasalanan.
Sa pagsapit ng bukang-liwayway,
ang hari ng Israel ay ganap na mamamatay.”