20
Paparusahan ang Egipto at Etiopia
Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria, sinabi ni Yahweh kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit-panluksa at mag-alis ka ng sandalyas.” Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at nakayapak. Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, “Kung paanong ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taóng lumalakad na hubad at nakayapak, bilang tanda ng mga mangyayari sa Egipto at Etiopia,* gayundin bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga taga-Etiopia. Matanda't bata'y kakaladkaring nakayapak at hubad na ang mga pigi ay nakalabas. O anong laking kahihiyan sa Egipto! Dahil dito'y manlulumo at masisiraan ng loob ang lahat ng nagtiwala sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki. Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying-dagat, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan! Sila pa naman ang inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa hari ng Asiria! Paano na tayo makakaligtas ngayon?’ ”
* 20:3 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.