21
Ang Pagbagsak ng Babilonia
1 Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia:
Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto
ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain.
2 Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan,
kataksilan, at pagkawasak.
Sugod, Elam!
Sakupin mo, Media.
Wawakasan ko na
ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia.
3 Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot,
namilipit ako sa sakit
tulad ng isang babaing nanganganak;
ako'y nakayuko kaya hindi makarinig,
ako'y nalilito kaya hindi makakita.
4 Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot;
ang pananabik ko sa takipsilim
ay naging isang pagkasindak.
5 Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan;
nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin;
sila'y nagkakainan at nag-iinuman.
Ngunit isang utos ang biglang narinig:
“Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.”
6 At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Lumakad ka na at maglagay ng bantay
at iulat ang kanyang mga nakikita.
7 Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo,
at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo,
dapat siyang maging handa
at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.”
8 Sumigaw ang bantay,
“Maghapon po akong nasa tore.
Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.”
9 Walang anu-ano'y nagdatingan
ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa,
at nag-ulat ang bantay,
“Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia!
Nagkalat sa lansangan
ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!”
10 Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik,
may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh,
ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.
Ang Pahayag tungkol sa Edom
11 Ito ang pahayag tungkol sa Edom:
May tumatawag sa akin mula sa Seir,
“Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi?
Gaano pa ito katagal?”
12 Sumagot ang bantay:
“Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi;
bumalik na lang kayo
kung nais ninyong magtanong muli.”
Ang Pahayag tungkol sa Arabia
13 Ito ang pahayag tungkol sa Arabia:
Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan,
na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia,
14 bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.
Kayo naman, mga taga-Tema,
salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag.
15 Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba,
sa panang nakahanda,
at sa panganib na dulot ng digmaan.
16 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar.
17 Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.”