46
1 Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia;
ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka,
at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop.
2 Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili.
Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo.
3 “Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob,
kayong nalabi sa bayang Israel;
kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang.
4 Ako ang inyong Diyos.
Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda.
Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko
na kayo'y iligtas at tulungan.”
5 Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad?
Mayroon bang makakapantay sa akin?
6 Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman,
at nagtimbang sila ng mga pilak.
Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan;
pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito.
7 Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar,
pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan.
Mananatili ito roon at hindi makakakilos.
Dalanginan man ito'y hindi makakasagot,
at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok.
8 “Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan,
ang bagay na ito ay alalahanin ninyo.
9 Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari.
Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos,
at maliban sa akin ay wala nang iba.
10 Sa simula pa'y itinakda ko na,
at aking inihayag kung ano ang magaganap.
Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko,
at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan,
siya ay darating na parang ibong mandaragit,
at isasagawa ang lahat kong balak.
Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad.
12 “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail;
kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay.
13 Malapit na ang araw ng pagtatagumpay,
ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal.
Ililigtas ko ang Jerusalem,
at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.”