47
Hahatulan ang Babilonia
1 Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa.
Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig.
Ngunit hindi ka na ganoon ngayon,
isa ka nang alipin!
2 Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina.
Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan;
itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan.
3 Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan,
mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan.
Walang makakapigil sa aking gagawin.
Ako'y maghihiganti.”
4 Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel.
Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
5 Sinabi ni Yahweh sa Babilonia,
“Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim,
sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian.
6 Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko,
sila'y aking itinakwil;
aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin.
Pinarusahan mo silang walang awa,
pati matatanda'y pinagmalupitan mo.
7 Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon.
Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw.
8 “Pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan,
at nag-aakalang ikaw ay matiwasay.
Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos,
at ang paniwala mo'y wala kang katulad;
inakala mong hindi ka mabibiyuda,
at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak.
9 Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit,
anumang salamangka o mahika ang iyong gawin,
mangyayari ang dalawang bagay na ito:
Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak!
10 “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan;
sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo.
Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman,
ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos,
wala nang hihigit pa sa iyo.
11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan,
at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka;
darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan.
Biglang darating sa iyo ang pagkawasak,
na hindi mo akalaing mangyayari.
12 “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan,
baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway.
13 Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo;
patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo,
sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin.
14 “Sila'y parang dayaming masusunog,
kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy;
sapagkat ito'y hindi karaniwang init
na pampaalis ng ginaw.
15 Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo
na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo.
Sapagkat ikaw ay iiwan na nila,
walang matitira upang iligtas ka.”