51
Mga Salita ng Kaaliwan para sa Jerusalem
Ang sabi ni Yahweh,
“Dinggin ninyo ako, kayo, na naghahanap ng kaligtasan, at humihingi ng tulong.
Pagmasdan ninyo ang batong malaki na inyong pinagmulan,
tingnan ninyo ang pinaghuhukayan ng bato na inyong pinanggalingan.
Inyong alalahanin ang ninuno ninyong si Abraham,
at ang asawa niyang si Sara na sa lahi ninyo'y nagluwal.
Nang aking tawagin si Abraham, siya'y walang anak.
Ngunit pinagpala ko siya
at pinarami ang kanyang lahi.
 
Aking aaliwin ang Jerusalem;
at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod.
Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan
ng Eden.
Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri,
ang awitan at pasasalamat para sa akin.
 
“Pakinggan ninyo ako aking bayan,
ihahayag ko ang kautusan at katarungan
na magsisilbing tanglaw para sa lahat.
Ang pagliligtas ko ay agad na darating,
hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay.
Ako'y maghahari sa lahat ng bansa.
Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin,
at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan.
Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin,
sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din.
Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho,
at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan.
Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay.
Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan,
ang tagumpay ay walang katapusan.
 
“Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig,
kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan.
Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao,
o manlupaypay man kung laitin kayo.
Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira,
sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod;
ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi
ang aking tagumpay at pagliligtas.”
 
Gumising ka, O Yahweh, at tulungan po ninyo kami!
Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at iligtas mo po kami,
tulad noong una.
Hindi ba't kayo ang pumuksa kay Rahab, na dambuhala ng karagatan?
10 Kayo rin po ang nagpatuyo sa dagat
at gumawa ng daan sa gitna ng tubig,
kaya nakatawid nang maayos ang bayang iyong iniligtas.
11 Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem,
magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa.
Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak,
at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat.
 
12 Sinabi ni Yahweh,
“Ako ang nagbibigay ng iyong lakas.
Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao?
Mamamatay rin silang tulad ng damo.
13 Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo—
siya na naglatag ng kalangitan
at naglagay ng pundasyon sa mundo?
Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin?
Dahil ba sa galit sila sa iyo,
at gusto kang puksain?
Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
14 Hindi na magtatagal at ang mga bihag ay palalayain,
mabubuhay sila nang matagal
at hindi magkukulang sa pagkain.
15 Ako nga si Yahweh, ang Diyos na sa iyo'y lumalang.
Aking hinahalo ang pusod ng dagat
kaya umiingay ang mga alon.
Ang pangalan ko'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
16 Itinuro ko na sa iyo ang aking salita, upang ito'y maipahayag mo;
at iingatan ka ng aking mga kamay.
Ako ang naglatag nitong kalangitan,
pati mga pundasyon ng buong daigdig, ako rin ang naglagay;
sabi ko sa Jerusalem, ‘Ikaw ang aking bayan.’ ”
Ang Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem
17 Gumising+ ka Jerusalem!
Ikaw ay magbangon,
ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot.
Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon.
Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
18 Sa mga anak mo,
wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin,
at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay.
19 Dalawang sakuna ang dumating sa iyo;
winasak ng digmaan ang iyong lupain
at nagkagutom ang mga tao.
Wala isa mang umaliw sa iyo.
20 Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao.
Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso;
nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos.
 
21 Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap,
at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak,
22 ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol,
“Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay,
at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan.
23 Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway,
na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan
at pagkatapos kayo'y tinapakan.”
+ 51:17 Pah. 14:10; 16:19.