52
Ililigtas ng Diyos ang Jerusalem
1 Gumising ka Jerusalem, magpanibagong-lakas ka!
O banal na lunsod, muli mong isuot ang mamahalin mong kasuotan,
sapagkat mula ngayon ay hindi na makakapasok diyan ang mga hindi kumikilala sa Diyos.
2 Malaya ka na, Jerusalem!
Tumindig ka mula sa kinauupuang alabok, at umupo sa iyong trono.
Kalagin mo ang taling nakagapos sa iyo!
3 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Ipinagbili kayo nang walang bayad, kaya tutubusin din kayo nang walang bayad.”
4 Ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh: “Sa simula, ang mga hinirang ko'y nanirahan sa Egipto bilang mga dayuhan. Pagkatapos, inalipin kayo ng mga taga-Asiria na hindi man lamang binayaran.
5 Ganyan din ang nangyari sa inyo nang kayo'y bihagin sa Babilonia. Binihag kayo at hindi binayaran. Nagmamayabang ang mga bumihag sa inyo. Walang humpay ang kanilang paglait sa aking pangalan.
6 Kaya darating ang araw, malalaman ninyong ako ang Diyos na nagsalita sa inyo.”
7 O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan,
ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan,
at nagdadala ng Magandang Balita.
Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin:
“Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
8 Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
dahil sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion.
9 Magsiawit kayo,
mga guhong pader nitong Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan;
iniligtas na niya itong Jerusalem.
10 Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang,
ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan;
at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
11 Lisanin ninyo ang Babilonia,
mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo.
Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal.
Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan.
12 Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali.
Hindi na kayo magtatangkang tumakas.
Papatnubayan kayo ni Yahweh;
at iingatan sa lahat ng saglit ng Diyos ng Israel.
Ang Nagdurusang Lingkod
13 Sinabi ni Yahweh,
“Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain;
mababantog siya at dadakilain.
14 Marami ang nagulat nang siya'y makita,
dahil sa pagkabugbog sa kanya,
halos hindi makilala kung siya ay tao.
15 Ngayo'y marami rin ang mga bansang magugulantang;
pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan.
Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan,
at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!”