Ang Ikatlong Sulat ni
JUAN
Panimula
Ang Ikatlong Sulat ni Juan ay isinulat ng isang “Matandang pinuno ng iglesya” para kay Gayo, na isa ring pinuno ng iglesya. Pinupuri niya si Gayo dahil sa pagtulong nito sa ibang Cristiano, at binibigyan ito ng babala na mag-ingat kay Diotrefes.
Nilalaman
Panimula 1-4
Pinuri si Gayo 5-8
Tinuligsa si Diotrefes 9-10
Pinuri si Demetrio 11-12
Pagwawakas 13-15
1
1 Mula sa Matandang pinuno ng iglesya—
Para kay Gayo na lubos kong minamahal.
2 Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal.
3 Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito.
4 Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak.
Pinarangalan si Gayo
5 Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala.
6 May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos,
7 sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos.
8 Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan.
Si Diotrefes at si Demetrio
9 Sumulat ako sa iglesya subalit hindi kami kinilala ni Diotrefes; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno.
10 Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating at hinahadlangan pa niya at pinapalayas sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama. Sa halip, tularan mo ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos.
12 Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan din ang patotoo ng katotohanan tungkol sa kanya. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin.
Pangwakas
13 Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng panulat at tinta.
14 Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon.
15 Sumaiyo nawa ang kapayapaan.
Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Isa-isa mong batiin ang lahat ng ating mga kaibigan diyan.