Ang Sulat ni
JUDAS
Panimula
Ang Sulat ni Judas ay babala laban sa mga huwad na guro na nagsasabing tunay na mananampalataya rin sila. Sa maikling sulat na ito, na ang nilalaman ay kahawig ng 2 Pedro, pinayuhan ng sumulat ang kanyang mga mambabasa na “…panindigan ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal.”
Nilalaman
Panimula 1-2
Katauhan, turo, at kapahamakan ng mga huwad na guro 3-16
Payo upang magpakatatag sa pananampalataya 17-23
Bendisyon 24-25
1
Mula+ kay Judas, lingkod* ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago—
Para sa mga tinawag ng Diyos, mga namumuhay sa pag-ibig ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesu-Cristo.
Sumagana nawa sa inyo ang habag, kapayapaan at pag-ibig.
Ang mga Huwad na Guro
Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal, sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila.
Kahit+ na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nanalig sa kanya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. Alalahanin+ din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat.
Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang§ kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang maykapangyarihan at nilalait ang mariringal na anghel. Kahit+ si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay, “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” 10 Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang hindi nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. 11 Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya.
12 Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit hindi nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. 13 Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman.
14 Tungkol+ din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel 15 upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” 16 Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, sumusunod sa kanilang mga pagnanasa, mayayabang, at sanay mambola para makuha ang gusto nila.
Mga Babala at mga Payo
17 Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 18 Noon+ pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” 19 Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu.
20 Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin.
22 Kaawaan* ninyo ang mga nag-aalinlangan. 23 Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan.
Bendisyon
24 Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, 25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen.
+ 1:1 Mt. 13:55; Mc. 6:3. * 1:1 lingkod: Sa Griego ay alipin. 1:3 minsan at magpakailanman: o kaya'y minsanan. + 1:5 Exo. 12:51; Bil. 14:29-30. 1:5 Panginoon: Sa ibang manuskrito'y Diyos, sa iba naman ay Jesus (o kaya'y Josue). + 1:7 Gen. 19:1-24. § 1:8 dinudungisan nila ang: o kaya'y nagkakasala sila sa. + 1:9 Dan. 10:13, 21; 12:1; Pah. 12:7; Deut. 34:6; Zac. 3:2. + 1:14 Gen. 5:18, 21-24. + 1:18 2 Ped. 3:3. * 1:22 Kaawaan: Sa ibang manuskrito'y Hatulan.