11
Si Jefta
Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong.
Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.”
Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?”
Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.”
Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.”
10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” 11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.
12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”
13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”
14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita 15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula* hanggang sa Kades. 17 Pagkatapos,+ nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. 18 Nagpatuloy+ sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. 19 At+ nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. 20 Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. 21 Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: 22 buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. 23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. 24 At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. 25 Sa+ palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. 26 Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? 27 Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” 28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.
29 Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. 30 Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, 31 susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” 32 Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. 33 Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita.
Ang Anak ni Jefta
34 Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. 35 Nang+ makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!”
36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. 37 Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” 38 Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. 39 Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel 40 na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.
* 11:16 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo. + 11:17 Bil. 20:14-21. + 11:18 Bil. 21:4. + 11:19 Bil. 21:21-24. + 11:25 Bil. 22:1-6. 11:29 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan. + 11:35 Bil. 30:2.