12
Si Jefta at ang Lipi ni Efraim
1 Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.”
2 Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin.
3 Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?”
4 Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead.
5 Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,”
6 ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay.
7 Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead.
Sina Ibzan, Elon at Abdon
8 Nang mamatay si Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem naman ang naging hukom at pinuno ng Israel.
9 Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.
10 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Bethlehem.
11 Nang mamatay si Ibzan, si Elon na taga-Zebulun naman ang naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng sampung taon.
12 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zebulun.
13 Pagkatapos, ang sumunod na naging hukom at pinuno ng Israel ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton.
14 Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sari-sariling asno. Siya ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng walong taon.
15 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalekita.