Ang Aklat ng
JONAS
Panimula
Ang Aklat ng Jonas ay naiiba sa mga aklat ng mga propeta sa Biblia sapagkat ito'y kuwento ng pakikipagsapalaran ng isang propetang nagtangkang sumuway sa utos ng Diyos. Pinapapunta siya ng Diyos sa Nineve, ang kapitolyo ng malawak na imperyo ng Asiria na mahigpit na kaaway ng Israel. Subalit ayaw ni Jonas sapagkat naniniwala siyang hindi gagawin ng Diyos ang bantang pagwasak sa lunsod na iyon. Gayunpaman, pagkaraan ng sunud-sunod na pangyayari, sumunod siya bagama't mabigat ang loob. Sa bandang huli ay nagtampo siya nang hindi maganap ang kanyang ipinahayag na pagkawasak ng naturang lunsod.
Inilalarawan ng aklat na ito ang lubos na paghahari ng Diyos sa kanyang mga nilikha. Ngunit higit sa lahat, inilalarawan dito ang Diyos bilang Diyos ng pag-ibig at kahabagan na handang magpatawad at magligtas kahit sa mga kaaway ng kanyang bayan, sa halip na parusahan at puksain sila.
Nilalaman
Ang pagkatawag kay Jonas at ang pagsuway niya 1:1-17
Ang pagsisisi at pagkaligtas ni Jonas 2:1-10
Ang pahayag ni Jonas laban sa mga taga-Nineve 3:1-10
Ang pagkahabag ng Diyos sa Nineve 4:1-11
1
Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh
1 Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh:
2 “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.”
3 Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh.
4 Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko.
5 Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.
6 Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.”
7 Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas.
8 Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?”
9 Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.”
10 Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!”
11 Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?”
12 “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya.
13 Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo.
14 Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.”
15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat.
16 Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya.
17 Sa utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito.