2
Ang Panalangin ni Jonas
Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito:
“Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo,
at sinagot ninyo ako.
Mula sa daigdig ng mga patay
ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako.
Itinapon ninyo ako sa kalaliman;
sa pusod ng karagatan.
Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig,
at malalaking alon ang sa akin ay tumabon.
Akala ko'y malayo na ako sa inyo,
at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo.
Hinigop ako ng kalaliman,
hanggang sa tuluyang lumubog;
napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat.
Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok,
sa libingan ng mga patay.
Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh.
Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga,
naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin,
at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig.
Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan
ay hindi naging tapat sa inyo.
Ngunit aawit ako ng pasasalamat
at sa inyo'y maghahandog;
tutuparin ko ang aking mga pangako,
O Yahweh na aking Tagapagligtas!”
10 Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan.