4
Kaaway ng Diyos ang Kaibigan ng Sanlibutan
1 Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban?
2 Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos.
3 At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan.
4 Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.
5 Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.”
6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo.
8 Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip.
9 Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan!
10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo.
Huwag Humatol sa Kapwa
11 Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito.
12 Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa?
Huwag Magmalaki
13 Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.”
14 Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala.
15 Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.”
16 Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama!
17 Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala.