5
Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman
Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok+ na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang+ na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan+ ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Pagtitiyaga at Pananalangin
Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi+ nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
12 Ngunit+ higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya+ nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si+ Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At+ nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.
19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito+ ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.
+ 5:2 Mt. 6:19. + 5:3 Ecc. 29:10-12. + 5:6 Kar. 2:10-20. + 5:11 Job 1:21-22; 2:10; Awit 103:8. + 5:12 Mt. 5:34-37. + 5:16 Ecc. 4:26. + 5:17 1 Ha. 17:1; 18:1; Ecc. 48:2-3. + 5:18 1 Ha. 18:42-45. + 5:20 Kaw. 10:12; Tob. 12:9; 1 Ped. 4:8.