12
Nanatiling Tapat si Judith sa Kanyang Relihiyon
1 Pagkatapos, iniutos ni Holofernes na dalhin si Judith sa kinalalagyan ng kanyang hapag na may nakahanda nang mga kagamitang pilak. Nagpahanda siya ng pagkain para sa babae at nagpalabas din ng alak mula sa mga pagkain at inuming nakalaan para sa kanyang sarili.
2 Subalit tumanggi si Judith, “Hindi po ako makakakain niyan, dahil susuway ako sa aming kautusan.
3 Kakainin ko na lang po ang baon ko.”
Ngunit ang sabi ni Holofernes, “Kung maubos na ang baon mo, saan kami magpapakuha ng ganyan? Wala ka namang kalahi dito sa aming kampo.”
4 Sumagot si Judith, “Kung paanong ikaw ay buháy, panginoon ko, tinitiyak ko sa inyo na hindi mauubos ang dala kong pagkain bago gawin ng Panginoon sa pamamagitan ko ang kanyang itinakda.”
5 Dinala siya ng mga tauhan ni Holofernes sa isang tolda at doon siya natulog.
6 Nang madaling-araw na, gumising si Judith at nagpasabi kay Holofernes, “Panginoon, maaari po bang iutos ninyong ako'y payagang lumabas at manalangin?”
7 Iniutos naman ni Holofernes sa kanyang mga tauhan na palabasin sa kampo ang babae. Tatlong araw siyang namalagi sa kampo at gabi-gabi'y lumalabas siya sa kapatagan ng Bethulia upang maligo sa bukal.
8 Pagkapaligo, nananalangin siya sa Panginoong Diyos ng Israel para pagpalain ang kanyang binabalak para sa kanyang bayan.
9 Pagkaraan nito, nagbabalik na siyang malinis sa kampo, at nasa loob ng tolda hanggang sa dalhin sa kanya ang kanyang hapunan.
10 Nang ikaapat na araw, nagdaos si Holofernes ng isang salu-salo para sa matataas na pinuno ng kanyang hukbo, ngunit hindi kasama rito ang mga pinunong magbabantay noong araw na iyon.
11 Sinabi niya kay Bagoas, ang eunukong nakakaalam ng kanyang personal na kapakanan, “Puntahan mo ang babaing Hebreo na nasa ilalim ng iyong pangangalaga, at himukin mong makisalo sa atin at uminom kasama natin.
12 Kahiya-hiya tayo kung palalampasin natin ang pagkakataong makatalik ang isang babaing kasingganda niya. Pagtatawanan lang niya tayo kapag hindi natin siya nakuha.”
13 Pinuntahan nga ni Bagoas si Judith at sinabi rito, “Magandang dilag, inaanyayahan ka ng aking panginoon sa kanyang tolda bilang panauhing pandangal sa kanyang salu-salo. Halika't makipag-inuman sa amin at magpakasaya. Ipalagay mong ikaw ay isang babaing taga-Asiria na dumalo sa palasyo ni Nebucadnezar.”
14 “Sino akong tatanggi sa aking panginoon?” tugon ni Judith. “Ikagagalak kong gawin ang anumang makalulugod sa kanya. At iyon ay ikararangal ko hanggang sa araw ng aking kamatayan.”
15 Nagbihis nga si Judith ng magarang damit at isinuot ang lahat ng panggayak at alahas. Naunang lumakad ang kanyang kasamang lingkod at inilatag sa lupa, sa harapan ni Holofernes, ang mga balahibo ng tupa na bigay ni Bagoas para gamiting sandalan ni Judith kapag siya'y kumakain.
16 Nang dumating si Judith at maupo sa kanyang lugar, gayon na lamang ang paghanga ni Holofernes. Nakadama siya ng masidhing pagnanasang angkinin ang kagandahan nito. Katunayan, mula pa noong una niyang makita ito, naghahanap na siya ng pagkakataon para maangkin ito.
17 Kaya't ang sabi niya rito, “Uminom ka at makipagsaya sa amin.”
18 Sumagot si Judith, “Talagang iyan po ang gagawin ko, aking panginoon. Ito na ang pinakadakilang araw sa buong buhay ko.”
19 Pagkatapos, kinuha niya ang inihanda ng kanyang lingkod, at siya'y kumain at uminom sa harapan ni Holofernes.
20 Tuwang-tuwa naman si Holofernes sa babae at napakaraming alak ang nainom niya nang sandaling iyon, higit kailanman sa buong buhay niya.