13
Pinugutan ni Judith ng Ulo si Holofernes
Nang gumabi na, nagpaalam ang mga panauhin at umalis. Isinara ni Bagoas ang pinto ng tolda para wala nang makapasok na alipin. At natulog na silang lahat. Napakatagal ng handaan kaya't pagod na pagod sila. Naiwan si Judith sa loob ng tolda, walang kasama kundi si Holofernes na nakabulagta sa kanyang higaan dahil sa labis na kalasingan.
Sa labas ng tolda, naghihintay ang lingkod ni Judith sa kanyang paglabas upang manalangin, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Nasabi na rin ni Judith kay Bagoas bago ito lumabas, na siya ay lalabas at mananalangin gaya ng nakagawian.
Nang makaalis na ang lahat at walang natira kundi siya, si Judith ay tumayo sa tabi ng higaan ni Holofernes at tahimik na nanalangin. “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, pagpalain po ninyo ako sa aking gagawin upang maghatid ito ng kadakilaan sa Jerusalem. Sapagkat ngayon na ang panahon para tulungan ninyo ang inyong bayan at papagtagumpayin ang aking balak na paglupig sa mga kaaway na nakahandang sumalakay sa amin.” Pagkasambit nito, lumapit siya sa may ulunan ni Holofernes, at kinuha niya ang tabak nito sa kinasasabitan, at paglapit sa tabi ng higaan, dinaklot niya ang buhok ng lalaki. “Palakasin mo po ako, Panginoong Diyos ng Israel, para magawâ ko ito,” sabi niya. Pagkatapos, makalawang ulit niyang tinaga nang ubod-lakas ang leeg nito, at natigpas ang ulo. Iginulong niyang pahulog sa higaan ang katawan at kinuha ang kulambo sa kinasasabitan. Ilang sandali pa'y lumabas na siya at ibinigay sa lingkod ang ulo ni Holofernes. 10 Isinilid ito ng lingkod sa dala niyang sisidlan ng pagkain.
Bumalik si Judith sa Bethulia
Magkasamang lumabas ang dalawang babae, gaya ng karaniwan nilang ginagawa kapag patungo sa pananalangin. Tinawid nila ang kampo, bumabâ sa kapatagan, at umakyat sa burol papuntang Bethulia hanggang sa makarating sa pintuang-pasukan. 11 Nang malapit na sila, tumawag si Judith sa mga bantay sa pintuang-pasukan, “Buksan ninyo ang pinto! Ang Diyos, ang ating Diyos, ay sumasaatin. Ipinapakita pa rin niya sa Israel ang kanyang kalakasan at kapangyarihan laban sa ating mga kaaway. Ito'y pinatunayan niya ngayon!”
12 Nang marinig ng mga mamamayan ang kanyang tinig, nagmamadali silang pumunta sa pintuang-pasukan at tinawag ang pinuno ng bayan. 13 Nagtakbuhan ang lahat, matanda't bata, at hindi halos makapaniwalang si Judith ay nakabalik. Binuksan nila ang pinto at pinatuloy ang dalawang babae. Nagsindi pa sila ng sulo para siya makita, at pinagkalipumpunan ang dalawa. 14 Malakas na sinabi ni Judith, “Purihin ang Diyos! O purihin natin siya! Purihin ang Diyos na hindi nagkakait ng awa sa sambahayan ni Israel. Ngayong gabi'y dinurog niya ang ating mga kaaway sa pamamagitan ko.” 15 At kinuha niya ang sisidlan at ipinakita sa kanila ang laman. “Tingnan ninyo!” aniya, “Narito ang ulo ni Holofernes na punong tagapagpaganap ng mga taga-Asiria! Narito rin ang kulambong ginamit niya samantalang nakahiga siyang lasing na lasing! Ginamit ng Panginoon ang isang babae para patayin siya. 16 Bagama't ang aking mukha ang umakit sa kanya tungo sa kapahamakan, ang Panginoon ang nag-iingat sa akin kaya hindi niya ako nagalaw. Nanatiling walang dungis ang pagkababae ko.”
17 Namangha ang mga tao. At kasabay ng pagpapatirapa bilang pagsamba sa Diyos, sabay-sabay silang nagsabi, “Purihin ang Panginoon nating Diyos! Hiniya niya sa araw na ito ang mga kaaway natin.”
18 At+ sinabi ni Uzias kay Judith, “Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa. Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa. Siya ang tumulong sa iyo para pugutan ang pinunong kaaway. 19 Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos. 20 Ang iyong ginawa ay maghatid nawa sa iyo ng karangalan sa habang panahon, at ng maraming pagpapala! Inilagay mo sa panganib ang iyong buhay alang-alang sa ating bayan nang ito'y nabibingit sa malaking kahihiyan. Matatag mong tinalunton ang matuwid na daan ng Diyos.”
Tumugon ang lahat, “Amen! Amen!”
+ 13:18 Huk. 5:24; Lu. 1:28, 42.