14
Ang Panukala ni Judith
1 Pagkatapos ay sinabi ni Judith sa kanila, “Makinig kayo, mga kababayan. Kunin ninyo ang ulong ito at isabit sa labas ng pader.
2 Pagsikat ng araw, ang bawat matapang na lalaki ay kumuha ng sandata at lumabas ng bayan. Pumili kayo ng isang tagapanguna nila at kumilos kayo na parang kayo'y bababâ sa kapatagan upang sumalakay sa kampo ng mga taga-Asiria, ngunit huwag kayong bababâ.
3 Kukunin ng mga taga-Asiria ang kanilang mga sandata, at magtatakbuhan sa kampo nila upang gisingin ang kanilang mga pinuno. Pupunta naman ang mga ito sa tolda ni Holofernes subalit hindi nila siya matatagpuan. Malilito sila at magsisitakas.
4 Sa gayon, habulin ninyo sila, kayong lahat na naninirahan sa loob ng mga hangganan ng Israel. Patayin ninyo ang lahat ng inyong aabutan.
5 Ngunit bago ang lahat, dalhin ninyo sa akin ang Ammonitang si Aquior. Nais kong makita niya at kilalanin ang taong humamak sa Israel at nagsugo sa kanya rito sa paniniwalang siya'y mamamatay na kasama natin.”
Sumampalataya si Aquior sa Diyos ng Israel
6 Sinundo nga nila si Aquior mula sa bahay ni Uzias. Nang dumating ito at makita ang ulo ni Holofernes na hawak ng isa sa mga kalalakihang nagkakatipon, nawalan siya ng malay at bumagsak sa lupa.
7 Itinayo nila siya at siya'y nagpatirapa sa paanan ni Judith bilang pagbibigay-galang. “Ang papuri sa iyo ay aawitin sa lahat ng kampo sa Juda at sa gitna ng mga bansa. Manginginig sila kapag narinig ang iyong pangalan.
8 Maaari bang isalaysay mo ngayon sa akin ang kabuuan ng iyong ginawa sa loob ng nagdaang mga araw?” ang wika niya. Kaya't sa harapan ng mga tao, isinalaysay ni Judith ang lahat ng ginawa niya mula nang siya'y umalis hanggang sa sandaling iyon na nag-uulat siya sa kanila.
9 Pagkatapos niyang magsalita, nagsigawan sa pagbubunyi ang mga tao. Ang buong lunsod ay napuno ng kaligayahan.
10 Si Aquior naman, pagkarinig sa lahat ng ginawa ng Diyos ng Israel, ay sumampalataya na sa Panginoon. Siya ay nagpatuli bilang pagsunod sa utos na tinutupad ng mga Judio. Ganap siyang nakiisa sa sambahayan ni Israel hanggang wakas.
Nagkagulo sa Kampo ng mga Taga-Asiria
11 Nang magbukang-liwayway, isinabit ng mga Israelita sa labas ng pader ang ulo ni Holofernes. Pagkatapos, lahat ng lalaking Israelita ay kumuha ng sandata at pangkat-pangkat na nagpunta sa gilid ng bundok.
12 Nang makita sila ng mga taga-Asiria, mabilis na ipinagbigay-alam sa kanilang mga pinuno ang nagaganap. Ibinalita naman ito ng mga pinuno sa kanilang mga heneral, sa lider ng mga pangkat, at sa lahat ng tagapanguna.
13 At pumunta sila sa tolda ni Holofernes at sinabi kay Bagoas, “Gisingin mo ang ating panginoon! Ang mga alipin ay magtatangkang makipagdigma. Hinahanap lang nila ang ganap na pagkalipol.”
14 Pumasok sa tolda si Bagoas at tumawag sa kanyang panginoon na akala'y natutulog kasama si Judith.
15 Nang walang sumasagot, hinawi niya ang tabing, tumuloy sa loob, at nakita ang bangkay na walang ulo.
16 Bigla siyang nagpalahaw ng pag-iyak, nanaghoy, at winasak ang kanyang kasuotan.
17 Pinasok niya ang toldang tinutuluyan ni Judith at nang di niya ito natagpuan, patakbo siyang nagbalik sa pangkat na nasa labas, at ang sabi niya,
18 “Napaglalangan tayo ng mga alipin! Isang babaing Hebreo ang naghatid ng napakalaking kahihiyan sa sambahayan ni Haring Nebucadnezar. Nariyan sa loob si Holofernes, bangkay na walang ulo!”
19 Nang ito'y marinig ng mga pinuno ng hukbong taga-Asiria, winasak nila ang kanilang mga mahabang panloob na kasuotan at gayon na lamang ang panghihilakbot nila. At napakinggan sa kampo ang nakakatulig na tilian at hagulgulan.