3
Nasakop ni Haring Nebucadnezar ang mga Taga-kanluran
1 Kaya nga, ang mga ito'y nagpadala ng mga sugo para makipagkasundo kay Holofernes.
2 Ang sabi nila, “Mga alipin ninyo kami, Haring Nebucadnezar; nagpapatirapa kami sa inyong harapan tanda ng aming pagpapailalim sa anumang mamarapatin ninyo.
3 Nasa inyong pagpapasya ang lahat ng aming toldang tinatahanan, mga bukirin ng trigo, kawan ng mga alagang hayop, at ang buong lupaing sakop namin. Gawin ninyo ang anumang inyong nais.
4 Kayo na rin ang bahala sa aming mga lunsod at sa mga mamamayan.”
5 Pagkaalis ng mga sugong nagdala ng pasabing ito,
6 nagpunta si Holofernes sa baybay-dagat kasama ang kanyang hukbo, at naglagay ng mga kampo sa mga muog ng lunsod. Nagtakda rin siya ng mga piling kawal na magbabantay sa mga ito. Sa bawat lunsod, pumili siya ng ilang mga tagaroon bilang mga katulong na kawal.
7 Ang mga naninirahan sa mga lunsod na ito at lahat ng nasa karatig-bayan ay sumalubong sa kanya na may dalang mga kuwintas ng tinuhog na bulaklak at sila'y nagsasayawan sa saliw ng mga tambol.
8 Gayunman, winasak din niya ang buong lupain nila at sinira ang kanilang mga sagradong punongkahoy sapagkat iniutos sa kanyang wasakin ang lahat ng diyos ng lupain. Sa gayon, bawat bansa ay sasamba kay Nebucadnezar lamang, at siya ang dadalanginan bilang diyos ng bawat bayan.
9 Di nagtagal, nakarating si Holofernes sa Esdraelon, malapit sa Dotan—ito ang daan papunta sa pangunahing landas paakyat sa kabundukan ng Juda.
10 Nagkampo sila sa pagitan ng Geba at Sitopolis at isang buwang lumagi roon upang maghanda ng pangangailangan ng hukbo.