2
Ang Pulong Upang Digmain ang Kanluran
1 Noong ikadalawampu't dalawang araw ng unang buwan ng ikalabing walong taon ng paghahari ni Nebucadnezar, isang pulong ang idinaos sa palasyo. Pinag-usapan dito kung paano isasagawa ang banta ng haring maghihiganti sa mga bansang hindi tumulong sa kanya.
2 Tinawag niya ang lahat ng kanyang ministro at mga maharlikang kagawad at inilahad ang isang lihim na panukala; nais niyang malipol nang lubos ang mga bansang nagtaksil sa kanya.
3 Nagkasundo silang patayin ang lahat ng tumangging sumunod sa iniutos niya noon.
4 Pagkatapos ng pulong, tinawag ni Haring Nebucadnezar ang pangkalahatang tagapamuno ng kanyang hukbo. Ito'y si Holofernes na siyang kanang kamay ng hari. Sinabi sa kanya ng hari:
5 “Ako na dakilang hari at panginoon ng sanlibutan ang nag-uutos sa iyo: Lumakad ka at isama mo ang pinakamatatapang nating sundalo—120,000 sundalo at 12,000 nakakabayo.
6 Salakayin ninyo ang lahat ng lupain sa kanluran na di sumunod sa aking utos.
7 Sabihin mong ako'y ipaghanda ng lupa at tubig para mapatunayang sila'y lubusang sumusuko. Humanda rin sila sa gagawin kong pagsalakay dahil sa matinding poot ko sa kanila. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng mga kawal na ipadadala ko upang puksain sila.
8 Malalatagan ng mga sugatan ang mga libis at lulutang ang mga bangkay sa mga ilog at sapa hanggang sa umapaw ang mga ito.
9 Ang makakaligtas nama'y ipatatapon ko hanggang sa kasuluk-sulukan ng daigdig.
10 “Mauna ka sa akin at sakupin mo para sa akin ang kanilang lupain. Kung sila'y sumuko sa iyo, bantayan mo silang mabuti hanggang sa araw ng pagpaparusa ko sa kanila.
11 At kung sila'y magtatangkang lumaban, huwag mo silang kakaawaan. Patayin mo sila't samsaman ng ari-arian.
12 Isinusumpa kong anuman ang mangyari sa akin at sa kaharian, ang sinabi kong ito'y matutupad sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
13 Huwag mong lalabagin ang alinmang iniutos ko. Tandaan mong ako ang hari mo. Gawin mo ang aking sinabi at huwag mo itong ipagpaliban pa!”
Lumusob si Holofernes
14 Nilisan ni Holofernes ang hari at ipinatawag ang lahat ng mga pinuno, mga heneral, at mga opisyal ng hukbo ng Asiria.
15 Nakatipon siya ng 120,000 piling sundalo gaya ng iniutos ng kanyang panginoon at 12,000 pang manunudla na nakakabayo.
16 Sila'y pinagpangkat-pangkat niya upang humarap sa labanan.
17 Nagsama siya ng napakaraming kamelyo, asno at kabayong tagadala ng mga kargamento nila. Marami rin silang dalang mga tupa, baka at kambing para makain nila.
18 Sagana sa pagkain ang lahat ng kawal at marami rin silang salaping ginto at pilak na galing sa palasyo ng hari.
19 Kaya't lumakad nga si Holofernes at ang buong hukbo upang ipakipaglaban si Haring Nebucadnezar. Ang buong hukbo, kabilang ang mga nakakarwahe, at mga hukbong kabayuhan ay naghanda upang salakayin ang mga bansa sa kanluran.
20 May sumama pa sa kanilang isang napakalaking pangkat na hindi mabilang sa dami, animo'y mga balang o alikabok sa lupa.
21 Pagkalipas ng tatlong araw na paglalakbay mula sa Nineve, nakarating sila sa kapatagan ng Bectilet. Nagkampo sila sa may paanan ng kabundukan sa hilaga ng Cilicia.
22 Mula roon, pinangunahan ni Holofernes ang buong hukbo paakyat sa kabundukan.
23 Winasak niya ang Libya at ang Lydia. Sinamsam niya ang mga ari-arian ng mga Rasita at Ismaelitang nakatira sa hangganan ng disyerto patungo sa timog ng Kelus.
24 Pagkatapos, tumawid sila ng Eufrates, nagdaan sa Mesopotamia, at ibinagsak ang bawat napapaderang lunsod sa baybayin ng Ilog Abron, hanggang sa makarating sa baybay-dagat.
25 Inagaw rin niya ang lupain ng Cilicia at pinuksa ang sinumang nagtangkang lumaban. Pagkatapos, nagpatuloy sila hanggang makarating sa hangganan ng Jafet sa timog papuntang Arabia.
26 Sinakop niya ang mga Midianita, sinunog ang kanilang mga tolda, at nilipol ang mga kawan ng tupa.
27 Anihan na noon ng trigo sa kapatagan ng Damasco nang sila'y sumalakay. Sinunog nila ang lahat ng bukirin. Nilipol nila ang mga kawan ng tupa at bakahan. Sinamsam nila ang mga ari-arian sa mga lunsod. Sinira nila ang kapatagan at pinatay sa tabak ang lahat ng kabataang lalaki.
28 Gayon na lamang ang takot at sindak sa kanya ng lahat ng naninirahan sa Sidon at Tiro, Sur at Osina, at sa Jamnia. Kinatakutan din siya ng mga taga-Azotos at Ashkelon.