Ang Aklat ni
JUDITH
Panimula
Madamdaming inilalarawan ng Aklat ni Judith ang tungkol sa kalagayan ng mga Judio nang malapit na silang malupig ng mga hukbo ng kaaway. Si Judith, ang babaing bayani sa salaysay na ito, ay isang relihiyosang biyuda na matapat na tumutupad sa lahat ng itinakda ng Kautusan ni Moises. Buong puso siyang nanalig na tutulungan siya ng Diyos upang maisagawa ang madulang pagliligtas sa kanyang bansa sa pamamagitan ng pagpatay kay Holofernes. Maaaring unang naisulat sa wikang Hebreo ang aklat na ito sa huling bahagi ng ikadalawandaang taon bago dumating si Jesu-Cristo. Subalit ito ay mababasa rin mula sa mga manuskritong Griego, Latin, at Syriac.
Nilalaman
Ang mga Judio ay pinagbantaang lilipulin 1:1–7:32
Iniligtas ni Judith ang bansang Judio 8:1–14:19
Nagtagumpay ang mga Judio 15:1–16:25
1
Ang Pakikidigma Laban sa Media
1 Noong ika-12 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa mga taga-Asiria sa tanyag na Lunsod ng Nineve, si Arfaxad naman ang namumuno sa mga Medo sa Lunsod ng Ecbatana.
2 Ang lunsod ay pinaligiran niya ng muog; bawat tipak ng batong ginamit dito ay mahigit isa't kalahating metro ang kapal at tatlong metro naman ang haba. Pinataas niya ng tatlumpu't isa't kalahating metro ang muog na ito at dalawampu't dalawa't kalahating metro naman ang kapal.
3 Nagpagawa rin siya ng mga tore sa bawat pintuang-pasukan. Ang sukat nito'y apatnapu't limang metro ang taas at dalawampu't pitong metro ang kapal sa pinakapuno.
4 Bawat pintuang-pasukan ay tatlumpu't isa't kalahating metro ang taas at labingwalong metro ang luwang upang madaling makapaglabas-masok ang mga hukbong nakakarwahe at mga sundalo.
5 Sa panahong iyon, nakipagdigma si Haring Nebucadnezar kay Haring Arfaxad sa malawak na kapatagang sakop ng Rages.
6 Maraming bansa ang tumulong kay Haring Arfaxad—lahat ng naninirahan sa mga bulubundukin, lahat ng taga-Eufrates, Tigris, at Hidaspes, at ang mga naninirahan sa mga kapatagang nasasakupan ni Arioc, ang hari ng mga Elamita. Napakaraming bansa ang kumampi sa Babilonia sa digmaang iyon.
Huling Babala sa mga Taga-kanluran
7 Si Haring Nebucadnezar ay nagpadala ng mga sugo sa lahat ng naninirahan sa Persia at sa kanluran. Ito ang mga taga-Cilicia, Damasco, Lebanon at Anti-Lebanon, ang lahat ng naninirahan sa baybay-dagat,
8 gayon din ang mga taga-Carmel, Gilead, hilagang bahagi ng Galilea, at ang mga nasa kapatagan ng Jezreel.
9 Nagsugo rin siya sa mga taga-Samaria, sa mga lunsod sa paligid ng Samaria, at sa ibayo ng Jordan hanggang Jerusalem, Bethania, Quelus, Kades at Ilog ng Egipto, gayon din sa Tafnes, Rameses, sa buong lupain ng Goshen,
10 Tanis, Memfis at sa dakong nasa itaas ng Ilog Nilo hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11 Subalit hindi pinansin ng mga naninirahan sa lahat ng lupaing nabanggit ang panawagan ni Haring Nebucadnezar; ayaw nilang makiisa sa kanya sa pakikidigma. Hindi sila takot sa kanya; sapagkat sa palagay nila'y wala itong kakampi at itinuturing siyang nag-iisa ng kalaban niya. Napahiya ang mga sugo sapagkat wala silang tinanggap na anumang katugunan.
12 Nagalit ng husto si Nebucadnezar sa nangyari at isinumpang paghihigantihan ang lahat ng taga-Cilicia, Damasco, at Siria; lilipulin ng tabak ang mga taga-Moab, Ammon, ang buong Judea, at lahat ng naninirahan saanmang lugar sa Egipto hanggang sa dalampasigan ng Dagat Mediteraneo at Gulpo ng Persia.
Natalo si Arfaxad
13 Nang ika-17 taon ng paghahari niya, pinangunahan ni Nebucadnezar ang kanyang hukbo laban kay Haring Arfaxad at siya'y nagtagumpay. Nagapi niya ang buong hukbong katihan, ang hukbong kabayuhan, at ang hukbong nakakarwahe.
14 Sinakop niya ang mga lunsod ng Media, at pagkatapos, nagtuloy siya sa Ecbatana. Nakuha niya ang mga muog doon, nilimas ang mga pamilihan, at winasak niya ang dating napakagandang lunsod na iyon.
15 Hinabol niya si Arfaxad na tumakas patungong kabundukan ng Rages at nang abutan, pinatay niya ito sa pamamagitan ng sibat.
16 Bumalik siya sa Nineve kasama ang kanyang buong hukbo. Marami silang dalang samsam kaya't nagdiwang sila sa loob ng apat na buwan.