14
Pangwakas na Payo
Si Tobit ay inabot ng 112 taon bago namatay. Napakaganda ng ginawang libing sa kanya sa Nineve; pinarangalan siya at pinapurihan. Animnapu't dalawang taon siya nang mabulag at nang gumaling ay umunlad nang gayon na lamang ang kanyang buhay. Patuloy ang kanyang pagkakawanggawa at pagpupuri sa kadakilaan ng Diyos.
Bago siya namatay, tinawag niya si Tobias at ang pitong anak nito. “Umalis kayong madali,” ang utos niya, “ang mga apo ko'y dalhin+ mo agad sa Media. Naniniwala ako sa sinabi ng Diyos kay Nahum tungkol sa Nineve. Ang sinabi ng kanyang mga propeta ay tiyak na mangyayari, at ang Asiria at Nineve ay parehong paparusahan. Lahat ng pahayag ay matutupad sa takdang panahon. Mapanganib sa Asiria at Babilonia kaya doon na kayo magpunta sa Media.
“Ang mga kababayan natin sa Israel ay paaalisin sa mabuting lupain at itatapon sa ibang bansa. Ang buong bansa ng Israel pati na ang Samaria at Jerusalem ay mangungulila. Matutupok ang Templo ng Diyos, at pansamantalang magiging mapanglaw! Ngunit ang Diyos ay mahahabag na muli sa mga Israelita at ibabalik sila sa Israel. Itatayo nilang muli ang Templo, ngunit hindi tulad ng dati, sapagkat hindi pa natatapos ang takdang panahon. Pagdating ng panahong iyon, kapag ang lahat ay nasa Israel na, pagagandahin na nila ang Jerusalem. Ang Templo ng Diyos ay gagawin nang maayos at panghabang-panahon, sang-ayon sa pahayag ng mga propeta ng Israel. Mahihikayat ang lahat ng bansa sa daigdig at ang Diyos ay sasambahin na nila sa tamang paraan. Tatalikuran na nila ang mga diyus-diyosan na luminlang sa kanila. Sa matuwid na paraa'y magpupuri na sila sa Diyos na walang hanggan. Magtitipon sa Jerusalem ang lahat ng Israelita na sa panahong iyon ay maghahangad na maligtas. Doon sa lupain ni Abraham na ibibigay sa kanila, hindi sila mababahala. Magagalak ang lahat ng tapat na umiibig sa Diyos, ngunit ang mga makasalanan at di-makatarungan ay lubos na lilipulin sa lupain.
“Mga anak, ito ang iiwan kong utos sa inyo: Maglingkod kayo nang tapat sa Diyos at mamuhay nang karapat-dapat sa harapan niya. Turuan ninyo ang inyong mga anak ng mabuting gawain at sanaying magkawanggawa. Huwag nilang kalilimutan ang Diyos, at buong puso at masigasig na magpuri sa kanyang pangalan.
“Tungkol naman sa iyo, Tobias, ito ang aking masasabi: Huwag kang mananatili rito, anak. Umalis ka agad sa Nineve 10 sa araw na ang iyong ina ay mailibing na kasunod ko. Kahit isang gabi'y huwag ka nang mananatili sa palibot ng lunsod na ito. Ang nakikita ko rito'y lahat ng uri ng kasamaan at panlilinlang na hindi man lamang ikinahihiya. Isip-isipin mo na lang ang ginawa ni Nadab kay Ahikar, ang taong nagpalaki sa kanya. Si Ahikar ay inilibing na buháy! Ngunit pinagbayaran ito ni Nadab; nasadlak siya sa walang hanggang kadiliman, samantalang si Ahikar ay umahong buháy. Iyon ang napala niya sa pagtatangka sa buhay nito. Sa patibong ni Nadab ay naligtas si Ahikar, sapagkat ito'y mapagkawanggawa. Si Nadab ang nahulog sa sariling bitag at siya ang namatay. 11 Iyan, mga anak, ang kabutihan ng pagkakawanggawa; samantalang ang kawalang-katarungan ay pumapatay sa sarili. Nararamdaman kong malapit na akong mamatay.”
Namatay si Tobit at si Tobias
Si Tobit ay dinala sa kanyang higaan at doon namatay. Binigyan siya ng isang marangal na libing. 12 Namatay rin ang ina ni Tobias at doon inilibing sa tabi ng libingan ng kanyang asawa. Nang maisaayos na ang lahat, isinama niya sa Ecbatana ang kanyang asawa't mga anak at nagpunta nga sila kay Raguel sa Media. 13 Inalagaan niya ang tumatanda nang mga biyenan, at nang mamatay ang mga ito, doon na rin nila inilibing. Ipinamana sa kanya ang lahat ng naiwang kayamanan ng kanyang magulang at biyenan. 14 Si Tobias ay umabot sa gulang na 117 taon. 15 Bago siya namatay, nasaksihan niyang lahat ang pagkawasak ng Nineve at ang pagkabihag ng mga mamamayan nito. Binihag sila ng Haring Cyaxares ng Media at dinala sa bansa nito. Dahil sa ginawang ito ng Diyos, pinuri ni Tobias ang Panginoon, ang walang hanggang Diyos. Amen!
+ 14:4 Neh. 1:23:19.