6
Nagsalita naman si Holofernes
Nang tumahimik ang pag-uusap-usap nila, sinabi ni Holofernes kay Aquior at sa lahat ng nagkakatipong Moabita at mga hukbong dayuhan na binubuo ng mga Ammonita,* “At sino ka ba, Aquior, ikaw at ang mga kasamahan mong angkan ni Efraim, para magkunwang propeta sa amin, gaya ng ginawa mo ngayon? Bakit mo sasabihing huwag digmain ang Israel sapagkat iingatan sila ng kanilang Diyos? May iba pa bang diyos maliban kay Nebucadnezar? Sa taglay niyang kapangyarihan, maglalaho ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Hindi sila maililigtas ng diyos nila. Kaming naglilingkod kay Nebucadnezar ang magpapabagsak sa kanila na parang sila'y iisang tao lamang. Hindi sila makakatagal sa lakas ng aming hukbong nakakabayo. Susunugin namin sila. Dadanak ang masaganang dugo sa kanilang mga burol, at magkakapatung-patong ang mga bangkay nila sa kapatagan. Hindi sila makakapanaig sa amin; sa halip, malilipol silang lahat. Ito ang itinakda ni Haring Nebucadnezar, ang panginoon ng buong sanlibutan. Ito ang sinabi niya at siyang mangyayari. Ikaw naman, Aquior, ikaw na Ammonitang upahan, kataksilan ang sinabi mong ito. Kaya mula ngayon, hindi mo ako makikita hanggang sa mapaghigantihan ko ang lahing ito ng mga takas mula sa Egipto. At pagbabalik ko, ang espada ng aking mga kawal at ang sibat ng aking mga pinuno ang papatay sa iyo, bilang karagdagan sa kanilang mga napatay. Dadalhin ka nila ngayon sa isa sa mga bayan sa kaburulan. Gayunman, hindi ka mamamatay hangga't hindi mo natitikman ang aking parusa sa iyo. Kung nakakatiyak kang hindi sila mahuhulog sa aming kamay, huwag kang magmukhang malungkot. Subalit ito ang tandaan mo: magkakatotoo ang lahat ng sinabi ko.”
Dinala si Aquior sa Bethulia
10 At iniutos ni Holofernes sa kanyang mga tauhang naghihintay sa labas ng tolda na dakpin si Aquior, dalhin sa Bethulia at ibigay sa mga Israelita. 11 Dinakip nga nila ito, inilabas ng kampo at dinala sa kaburulan sa may bukal sa gawing ibaba ng Bethulia. 12 Nang makita sila ng kalalakihan doon, ang mga ito'y kumuha ng mga sandata at umakyat sa burol at pinaulanan ng mga bato ang mga tauhan ni Holofernes upang hindi makaakyat. 13 Subalit kumubli naman ang mga ito sa isang panig ng burol. Iginapos nila si Aquior saka iniwan sa ibaba ng burol. Pagkatapos, nagbalik sila kay Holofernes.
14 Pagbaba ng mga Israelita, kinalagan nila si Aquior at dinala sa Bethulia, sa harapan ng mga punong-bayan. 15 Kabilang dito sina Uzias na anak ni Mikas na mula sa lipi ni Simeon, si Cabris na anak ni Gotoniel, at si Carmis na anak ni Malquiel. 16 Tinawag ng mga ito ang pinuno ng bayan, maging ang mga kabataan at mga kababaihan. Nagtakbuhan sila upang masaksihan ang magaganap. Nang maiharap na si Aquior, itinanong sa kanya ni Uzias kung ano ang nangyari. 17 Isinalaysay naman niya ang pakikipag-usap niya kay Holofernes, ang mga sinabi niya rito, at kung paanong ipinagmalaki ni Holofernes ang balak gawin sa Israel. 18 Nang marinig nila ito, ang mga tao'y nagpatirapa bilang pagsamba at pagsamo sa Diyos, 19 “Panginoon at Diyos sa langit, parusahan po ninyo ang kanilang kapalaluan. Kaawaan po ninyo ang inyong bayang niyuyurakan ang dangal. Mahabag po kayo sa amin at tulungan kami.” 20 Paulit-ulit nilang pinasalamatan si Aquior dahil sa kanyang ginawa. 21 Mula roon, siya'y isinama ni Uzias sa bahay nito, at doo'y nagdaos ng isang handaan para sa matatandang pinuno. Magdamag silang nanalangin upang hingin ang tulong ng Diyos ng Israel.
* 6:1 at mga hukbong…Ammonita: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. 6:2 ikaw…angkan ni Efraim: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. 6:6 sibat: Sa ibang manuskrito'y napakaraming tauhan.