7
Kinubkob ang Bethulia
1 Kinabukasan, iniutos ni Holofernes sa kanyang mga hukbo at lahat ng kapanalig na iwan ang kampo at lumusob sa Bethulia upang agawin ang mga lagusang papasok sa kaburulan at salakayin ang mga Israelita.
2 Kaya't humanda silang lahat nang araw na iyon. Ang hukbo'y binubuo ng 170,000 sundalo at 12,000 nakakabayo, hindi pa kabilang dito ang napakalaking pangkat ng mga tagadala ng mga kagamitan.
3 Sila'y nagkampo sa kapatagang malapit sa Bethulia. Ang kampo'y napakalaki; ang luwang ay abot sa Balbaim patungong Dotan at ang haba'y hanggang Ciamon na paharap sa Esdreadan.
4 Nang makita ng mga Israelita ang di mabilang na hukbong sandatahan, naligalig sila. “Lilipulin ng mga taong ito ang buong bayan! Mapupuno sa dami nila ang mga bundok, kapatagan, at burol,” sabi nilang labis na nababahala.
5 Ngunit kahit nababahala, kumuha ng sandata ang mga lalaki, nagsindi ng mga ilawan sa mga tanggulan, at magdamag na nagbantay.
6 Kinaumagahan, pinangunahan ni Holofernes ang kanyang hukbong kabayuhan. Kitang-kita sila ng mga Israelitang nasa Bethulia.
7 Siniyasat niya ang mga lagusan ng bayan at ang mga bukal na iniigiban ng mga Israelita. Nang makitang mapapakinabangan ang mga bukal, inagaw niya ang mga ito. Matapos magtakda ng mga kawal na magbabantay doon, siya'y nagbalik na sa kanyang kampo.
8 Nagpuntahan kay Holofernes ang lahat ng pinuno ng mga Edomita, Moabita, at mga bayan sa baybayin ng dagat. Sabi nila,
9 “Makinig po kayo sa aming payo, panginoon naming Holofernes, kung nais ninyong makaligtas sa mapait na pagkatalo ang inyong hukbo.
10 Ang mga Israelitang iyan ay hindi nananangan sa kanilang mga sibat kundi sa kataasan ng kaburulang kinalalagyan nila. Hindi madaling akyatin ang mga tuktok niyon.
11 Kaya, nakikiusap kami, huwag na nating tuwirang lusubin sila, nang huwag kayong malagasan kahit isang kawal.
12 Mamalagi na lamang po kayo sa inyong himpilan at ang mga kawal sa kanilang kampo. Ipakubkob na lamang po ninyo sa inyong mga kawal ang mga bukal sa paanan ng burol,
13 sapagkat doon umiigib ang lahat ng taga-Bethulia. Kapag uhaw na uhaw na sila ay isusuko rin nila ang bayan. Samantala, kaming lahat nama'y aakyat sa mga kalapit na burol at doon magbabantay para walang makalabas mula sa lunsod.
14 Mamamatay sa gutom ang kanilang asawa't mga anak. Bago pa sila abutin ng tabak, mahahandusay na ang kanilang mga bangkay.
15 Iyon ang magiging mabigat na parusa sa kanilang pagtanggi sa inyo, sa halip na makipagkasundo.”
16 Sinang-ayunan ni Holofernes at ng lahat ng kanyang tauhan ang mungkahing ito.
17 Agad niyang ipinatupad ang utos kaugnay nito. Ang pangkat ng mga Moabita ay lumakad kasama ng 5,000 taga-Asiria at nagkampo sa kapatagan. Pinigilan nila ang pagdaloy ng mga bukal na igiban ng mga Israelita.
18 Ang mga Edomita naman at mga Ammonita ay umakyat at nagbantay sa kaburulang nasa itaas ng Dotan. Pinapunta nila ang iba sa gawing timog-silangan papuntang Egrebel, malapit sa Kus sa may ilog ng Mocmur. Sa kapatagan tumigil ang natitirang hukbong Asirio. Malawak ang lugar na iyon at naging napakalaking kampo, halos mapuno ng kanilang mga tolda at mga kagamitan. Talagang napakalaking pangkat!
19 Nang ito'y makita ng mga Israelita, humingi sila ng tulong sa Panginoon na kanilang Diyos. Nasiraan sila ng loob sapagkat napapaligiran sila ng kaaway at wala silang makitang anumang paraan para makaligtas.
20 Hinarangan ng hukbong taga-Asiria ang pasukan at labasan ng mga Israelita sa loob ng tatlumpu't apat na araw. Naroon ang napakaraming sundalo at hukbong nakakabayo, at ang mga nakakarwahe. At naubos nga ang inipong tubig sa bawat tahanan sa Bethulia.
21 Tuyo na rin ang mga balon. Mahigpit ang pagrarasyon ng tubig kaya't hindi nakakasapat sa kanilang pangangailangan.
22 Nanghihina na rin ang mga bata dahil sa matinding uhaw. Nawawalan ng malay sa malabis na kauhawan ang mga babae at kabinataan. Nahahandusay na lamang sa mga lansangan at mga pintuan ang marami dahil sa kauhawan.
23 Ang lahat—kabinataan, kababaihan, at mga bata—ay nagtipon sa harapan ni Uzias at ng mga pinuno ng bayan, at nagsigawan. Ang sabi nila,
24 “Diyos ang humatol sa atin kung di kayo nakagawa ng napakalaking kamalian sa hindi ninyo pakikipagkasundo sa mga taga-Asiria.
25 Tingnan ninyo, walang tumulong ngayon sa atin. Ipinailalim na tayo ng Diyos sa kanilang kapangyarihan. Mararatnan nila tayong patay bunga ng matinding pagkauhaw, at nakakalat sa buong lupain ang ating mga bangkay.
26 Sumuko na tayo! Hayaan na nating samsamin ng hukbo ni Holofernes ang lahat ng maibigan nila rito.
27 Mas mabuting magpabihag tayo; kahit tayo'y maging mga alipin ay buháy naman tayo. Hindi tulad nitong nakikita nating unti-unting namamatay ang ating mga anak at asawa.
28 Ang langit at pati na ang lupa ang siyang saksi; ang ating Diyos, ang Diyos ng ating mga ninuno, ang saksi laban sa inyo—pinaparusahan tayo ng Diyos dahil sa ating mga kasalanan at sa kasalanan ng mga ninuno natin. Nawa'y huwag magkatotoo ang aming babala sa araw na ito.”
29 Pagkasabi niyon, ang buong kapulungan ay nanaghoy nang malakas at tumawag sa Panginoong Diyos.
30 At sinabi naman sa kanila ni Uzias, “Magpakatatag kayo, mga kaibigan. Magtiis pa tayo ng limang araw, at ipadarama sa atin ng ating Panginoong Diyos ang kanyang pagkahabag. Sigurado kong hindi niya tayo pababayaan!
31 Ngunit kung wala tayong tanggaping tulong pagkalipas ng limang araw, saka ko gagawin ang inyong hinihiling sa akin.”
32 At pinabalik niya sa kanya-kanyang pook na binabantayan ang mga kalalakihan. Nagtungo na nga sila sa mga muog at pintong binabantayan. Ang mga babae at mga bata ay pinauwi sa kani-kanilang mga bahay, kaya't ang kalagayan nila'y larawan ng kawalang-pag-asa.