13
Sinumpa ang Altar sa Bethel
1 Samantalang nakatayo si Jeroboam sa harap ng altar sa Bethel upang maghandog, dumating mula sa Juda ang isang propeta ng Diyos.
2 Inutusan siya ni Yahweh na sumpain ang altar na iyon. Wika niya, “Altar, O altar, pakinggan mo ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Isisilang sa angkan ni David ang isang lalaki na papangalanang Josias. Papatayin niya sa ibabaw mo ang mga pari ng sagradong burol na naghahandog ng mga hain sa ibabaw mo. Pagsusunugan ka niya ng mga buto ng tao.”
3 Sinabi pa niya, “Ito ang tanda na si Yahweh ang nagpapasabi nito: ‘Magkakadurug-durog ang altar na ito at sasambulat ang mga abo na nasa ibabaw ng altar.’ ”
4 Nang marinig ni Haring Jeroboam ang sumpang iyon laban sa altar ng Bethel, itinuro niya ang lingkod ng Diyos at pasigaw na iniutos; “Dakpin ang taong iyan!” Ngunit biglang nanigas ang kanyang kamay na itinuro sa lingkod ng Diyos, at hindi niya maikilos iyon.
5 Noon di'y nagkadurug-durog ang altar at sumambulat nga ang mga abo na nasa ibabaw ng altar, gaya ng ipinahayag ng lingkod ng Diyos.
6 Nakiusap ang hari sa lingkod ng Diyos, “Ipanalangin mo ako sa Diyos mong si Yahweh at hilingin mong magbalik sa dati ang aking kamay.”
Nanalangin nga ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at gumaling ang kamay ng hari.
7 Inanyayahan ng hari ang lingkod ng Diyos na sumama sa kanya at kumain sa kanyang bahay at pinangakuan pang bibigyan ng gantimpala.
8 Ngunit tumanggi ang lingkod ng Diyos. “Kahit na po ibigay ninyo sa akin ang kalahati ng inyong kayamanan, hindi ako sasama sa inyo. Hindi rin ako kakain ng anuman dito,
9 sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.”
10 Nag-iba nga ng daan ang propeta ng Diyos at hindi dumaan sa dinaanan niya patungo sa Bethel.
Ang Matandang Propeta sa Bethel
11 Nang panahong iyon, may isang matandang propetang nakatira sa Bethel. Dumating ang kanyang mga anak na lalaki at ibinalita ang mga nangyari sa Bethel nang araw na iyon. Isinalaysay nila ang ginawa ng propeta ng Diyos at ang nangyari sa hari.
12 “Saan siya dumaan nang siya'y umalis?” tanong ng ama. Itinuro ng mga anak ang dinaanan ng propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda.
13 “Ihanda ninyo ang asnong sasakyan ko,” utos ng ama. Inihanda nga ng mga anak ang asno at sumakay ang propeta.
14 Hinabol niya ang propeta ng Diyos at inabutan niyang nagpapahinga sa lilim ng puno ng ensina. “Ikaw ba ang propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda?” tanong niya.
“Ako nga po,” sagot naman nito.
15 “Sumama ka sa akin sa aming tahanan upang makakain,” anyaya ng matandang propeta.
16 Sumagot naman ang propeta ng Diyos, “Hindi po ako maaaring sumama sa inyo pabalik; hindi rin po ako maaaring kumain o uminom ng anuman dito.
17 Sapagkat ganito ang utos sa akin ni Yahweh: ‘Huwag kang kakain o iinom ng anuman doon, at huwag ka ring babalik sa iyong dinaanan.’ ”
18 “Propeta rin akong tulad mo at sinabi sa akin ng isang anghel na inutusan ni Yahweh na dalhin kita sa bahay ko upang pakainin at painumin,” wika ng propeta. Ngunit nagsisinungaling lamang ang matandang propeta.
19 Sumama nga sa kanya ang propetang galing sa Juda. Kumain siya at uminom sa bahay ng matandang propeta.
20 Habang sila'y kumakain, dumating sa matandang propeta ang isang pahayag mula kay Yahweh.
21 Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos;
22 bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’ ”
23 Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda.
24 Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno.
25 May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta.
26 Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.”
27 Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga anak na lalaki na ipaghanda siya ng asnong masasakyan.
28 Umalis siya at nadatnan ang bangkay sa tabi ng daan. Nakabantay sa tabi ng bangkay ang asno at ang leon. Hindi nito kinain ang bangkay at hindi rin nito ginalaw ang asno.
29 Isinakay ng matandang propeta ang bangkay sa kanyang asno at ibinalik sa bayan upang ipagluksa at ilibing.
30 Sa sariling libingan ng propeta inilibing ang bangkay ng propeta ng Diyos. “Kawawa ka naman, kapatid!” panaghoy niya.
31 Nang mailibing ang bangkay, sinabi ng propeta sa kanyang mga anak na lalaki, “Kapag ako'y namatay, dito rin ninyo ako ililibing, katabi ng kanyang mga buto.
32 Sapagkat matutupad ang mga sinabi niya, sa utos ni Yahweh, laban sa altar ng Bethel at laban sa lahat ng sagradong burol ng Samaria.”
Itinakwil ni Yahweh ang Sambahayan ni Jeroboam
33 Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang pari ng mga sagradong burol.
34 Dahil sa mga kasalanang ito ni Jeroboam, naubos ang kanyang angkan at hindi na muling naghari.