14
Ang Pagkamatay ng Anak ni Jeroboam
1 Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam.
2 Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel.
3 Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
4 Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na.
5 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae.
Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae.
6 Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo.
7 Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel.
8 Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin.
9 Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal.
10 Dahil dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel.
11 Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh.
12 “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak.
13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
14 Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam.
15 Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera.
16 Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.”
17 Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata.
18 Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias.
Ang Pagkamatay ni Jeroboam
19 Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
20 Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Rehoboam
(2 Cro. 11:5–12:15)
21 Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon.
22 Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh.
23 Nagtayo sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy.
24 Ang pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita.
25 Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem.
26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon.
27 Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
28 Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay.
Ang Pagkamatay ni Rehoboam
29 Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
30 Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari.
31 Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak.