3
Parusa, Pagsisisi at Pag-asa
1 Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos.
2 Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag.
3 Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon.
4 Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto.
5 Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa.
6 Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan.
7 Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas.
8 Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin.
9 Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling
ay may pader na nakaharang.
10 Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay.
11 Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay.
12 Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan.
13 Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso.
14 Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan.
15 Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin.
16 Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig.
17 Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man.
18 Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.”
19 Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan.
20 Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati.
21 Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:
22 Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay.
23 Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.
24 Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.
25 Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya,
26 kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala.
27 At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan.
28 Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay;
29 siya'y magpakumbaba sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa.
30 Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin.
31 Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon.
32 Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig.
33 Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan.
34 Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban,
35 maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan.
36 Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya.
37 Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh.
38 Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti.
39 Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan?
40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41 Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42 “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.
43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44 Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45 Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.
46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47 nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48 Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.
49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50 hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51 Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.
52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53 Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54 Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’
55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56 narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57 Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’
58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
59 Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan.
60 Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin.
61 “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin.
62 Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko.
63 Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi.
64 “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa.
65-66 Pahirapan mo sila, at iyong sumpain;
habulin mo sila at iyong lipulin!”