4
Naganap ang Pagpaparusa sa Jerusalem
Kupas na ang kinang ng ginto,
nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo!
 
Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto,
ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok.
 
Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta,
subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay.
 
Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin;
namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain.
 
Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin.
Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat.
 
Ang+ pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma
na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos.
 
Dati, ang aming mga pinuno* ay matuwid at sindalisay ng yelo;
sila'y matipuno, malakas at malusog.
 
Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang.
Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto.
 
Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay;
at dahil walang makain, labis kang nanghina.
 
10 Kalagim-lagim+ ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan.
Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.
 
11 Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot,
sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok.
 
12 Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan
na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem.
 
13 Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari
na nagpapatay sa mga walang sala.
 
14 Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan
at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila.
 
15 “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao;
kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila.
 
16 Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya.
Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno.
 
17 Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating;
naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong.
 
18 Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan;
nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas.
 
19 Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid;
tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan.
 
20 Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh,
na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway.
 
21 Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz;
subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan.
 
22 Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag;
ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan.
+ 4:6 Gen. 19:24. * 4:7 mga pinuno: o kaya'y mga Nazareo. + 4:10 Deut. 28:57; Eze. 5:10.