11
Ang Pagbagsak ni Alejandro Epifanes
1 Si Haring Tolomeo, ikaanim na hari ng Egipto, ay nagtipon ng isang malaking hukbo na marami pa kaysa buhangin sa baybay-dagat. Nagtatag din siya ng isang malaking hukbong-dagat. Tangka niyang agawin ang kaharian ni Alejandro sa pamamagitan ng pandaraya para idagdag sa kanyang sariling kaharian.
2 Kaya't nagpunta siya sa Siria upang makipagkaibigan. Malugod naman siyang pinapasok at tinanggap ng mga mamamayan doon. Ito ang utos sa kanila ni Alejandro sapagkat si Tolomeo ay biyenan niya.
3 Habang patungo sa hilaga, nag-iiwan si Tolomeo ng isang pangkat ng kawal sa bawat lunsod na daanan.
4 Pagdating niya sa Asdod, ipinakita sa kanya ng mga tagaroon ang tupok na templo ni Dagon at lahat ng wasak na bahagi ng lunsod at mga karatig-nayon. Naghambalang sa lansangan ang mga bangkay. Ang mga sunog na bangkay ng mga nilipol ni Jonatan nang nagdaang paglalaban ay nakabunton sa dinaraanan ni Tolomeo.
5 Isinalaysay sa kanya ng mga tao ang ginawa ni Jonatan, sa pag-asang iyon ay pananagutin ng hari, ngunit hindi man lang umimik si Tolomeo.
6 Sinalubong pa siya ni Jonatan sa Joppa ng isang maringal na seremonya. Nagbatian sila at doon nagpalipas ng gabi.
7 Sinamahan pa siya ni Jonatan hanggang sa Ilog Eleutero bago ito nagbalik sa Jerusalem.
8 Sa ganitong paraan nakuha ni Tolomeo ang mga lunsod sa baybayin hanggang hilaga sa Seleucia sa tabing-dagat; ito'y isang hakbang sa ikatatagumpay ng kanyang balak laban kay Alejandro.
9 Mula roon, nagpasabi si Haring Tolomeo kay Haring Demetrio, “Gumawa tayo ng isang kasunduan. Ang anak kong ngayo'y asawa ni Alejandro ay babawiin ko at sa iyo ipakakasal. Ikaw ang pamamahalain ko sa kaharian ng iyong ama.
10 Nagsisisi ako sa pagbibigay ko sa kanya kay Alejandro na nagtangkang pumatay sa akin.”
11 Ito ang ginawang paratang ni Tolomeo laban kay Alejandro sapagkat nais niyang makuha ang kaharian nito.
12 Binawi nga niya kay Alejandro ang kanyang anak at ipinakasal ito kay Demetrio. Pinutol niya ang lahat ng kaugnayan kay Alejandro at sila'y naging hayag na magkaaway.
13 Pagkatapos, pumasok si Tolomeo sa Antioquia at isinuot ang korona ng hari ng Asia. Kaya suot niyang pareho ang korona ng Egipto at ang korona ng Asia.
14 Noon naman ay nasa Cilicia si Haring Alejandro sapagkat naghihimagsik ang mga tao roon.
15 Nang mabalitaan niya ang ginawa ni Tolomeo, kumilos siya para lusubin ito. Ngunit napakalaking hukbo ang kasama ni Tolomeo kaya't natalo siya.
16 Habang nasa tuktok ng kapangyarihan si Tolomeo, si Alejandro nama'y tumakas patungong Arabia at doon nagtago.
17 Ngunit pinugutan siya ng ulo ng isang Arabo na nagngangalang Zabdiel, at ipinadala kay Tolomeo ang kanyang ulo.
18 Pagkalipas ng dalawang araw, namatay rin si Tolomeo, at ang mga kawal na naiwan niya sa mga kuta ay pinagpapatay ng mga mamamayan doon.
19 Kaya noong taóng 167, naging hari si Demetrio II.
Si Jonatan ay Kinalugdan ni Demetrio II
20 Nang panahong iyon naman, tinipon ni Jonatan ang mga kalalakihan ng Judea upang lusubin ang kuta ng Jerusalem. Gumawa sila ng maraming plataporma para sa pagsalakay at pagsakop dito.
21 Ngunit may ilang taksil na Judio na namumuhi sa sariling bansa ang nagtungo kay Haring Demetrio II at ibinalita ang ginagawang paghahanda ni Jonatan para kubkubin ang kuta ng Jerusalem.
22 Pagkarinig nito, galit na galit si Demetrio at agad inilipat sa Tolemaida ang kanyang kwartel. Nagpadala siya ng sulat kay Jonatan na nag-uutos na alisin nito ang mga kagamitan sa pagsalakay at makipagtagpo agad sa kanya sa Tolemaida.
23 Pagkabasa sa utos, lalo pang ipinagpatuloy ni Jonatan ang paghahanda sa pagkubkob, saka pumili ng mga pinuno at paring Judio upang sumama sa kanya. Kahit nanganganib,
24 siya'y nagpunta sa hari na nasa Tolemaida. Nagdala siya ng mga balabal, pilak at ginto, at iba pang mga handog. Siya'y nagpakitang-gilas sa hari.
25 Bagaman siniraan ng ilang taksil na Judio si Jonatan,
26 siya'y tinanggap pa rin ng hari na gaya ng mga nauna sa kanya. Pinarangalan siya sa harapan ng lahat ng tagapayo,
27 at pinagtibay bilang Pinakapunong Pari. Ibinalik sa kanya ang lahat ng dati niyang karangalan at itinalaga pa bilang isa sa pangunahing kaibigan ng hari.
28 Hiniling ni Jonatan sa hari na huwag nang pagbayarin ng buwis ang Judea at ang tatlong lunsod ng Samaria, at nangako siya na kung ito'y gagawin ni Demetrio, babayaran niya ito ng 10,500 kilong pilak.
29 Pumayag ang hari, at gumawa siya ng isang sulat na nagpapatunay kay Jonatan ng lahat ng ito. Isinaad niya sa sulat,
30 “Bumabati si Haring Demetrio kay Haring Jonatan, na kanyang kapatid, at sa bansang Judio.
31 “Para sa inyong kaalaman, inilakip ko ang isang sipi ng sulat ko sa Kagalang-galang na Lastenes tungkol sa inyo:
32 “Bumabati si Haring Demetrio sa kanyang ama, Kagalang-galang na Lastenes.
33 Ipinasya kong bigyan ang bansang Judio ng ilang karapatan sapagkat sila'y matapat na kapanalig at tumutupad sa kasunduan.
34 Pinapagtibay ko ang kanilang karapatan sa lupain ng Judea at sa mga lunsod ng Efraim, Lida, at Arimatea, na idaragdag na ngayon sa Judea mula sa Samaria, kasama ang lahat ng lupain nila. Dahil dito, makikinabang ang sinumang nagpupunta sa Jerusalem para maghandog dahil ang taunang buwis sa mga ani mula sa mga lupaing ito ay hindi na ibibigay sa hari kundi sa Templo.
35 At inaalis ko na rin sa kanila ang pataw na buwis mula sa mga ikasampung bahagi, sa upa, sa asin, at mga tanging buwis.
36 Alinman sa binabanggit sa liham na ito ay hindi na maaaring baguhin pa kahit kailan.
37 ‘Kailangang tiyakin mo na ang buong sipi ng batas na ito ay maipadala kay Jonatan para isabit sa isang hayag na lugar sa Templo sa kaburulan.’ ”
Tinulungan ni Jonatan si Demetrio II
38 Nang makita ni Haring Demetrio na payapa na ang lupaing kanyang pinamamahalaan, binuwag niya ang hukbo at pinauwi ang lahat ng kawal, maliban sa mga swelduhang kinuha sa mga pulo ng Griego. Bunga nito, nagalit sa kanya ang lahat ng kawal na naglingkod sa mga haring nauna sa kanya sapagkat nawalan sila ng hanapbuhay.
39 Nakita ni Trifo, isa sa dating tagapagtaguyod ni Alejandro, na inirereklamo ng lahat ng kawal si Demetrio. Kaya't pinuntahan niya si Imalkue, ang Arabong nagpalaki kay Antioco na anak ni Alejandro.
40 Matagal na namalagi roon si Trifo at inuudyukan si Imalkue na ibigay sa kanya ang bata upang gawing hari, kapalit ng ama nito. Sinabi rin niya kay Imalkue ang tungkol sa mga batas ni Demetrio at kung paano ito kinamumuhian ng mga kawal.
41 Nagpasabi si Jonatan kay Haring Demetrio na alisin na rin ang mga kawal nito sa kuta ng Jerusalem at sa mga kuta ng Judea, sapagkat ginugulo lamang nila ang mga Judio.
42 Tumugon si Demetrio, “Gagawin ko ang hinihiling mo, at sa tamang pagkakataon, ibibigay ko sa iyo at sa iyong bansa ang pinakamataas na karangalan.
43 Subalit kailangang tulungan mo ako ngayon; magpadala ka ng mga kawal na makikipaglaban para sa akin, dahil naghimagsik na lahat ang aking mga kawal.”
44 Nagpadala si Jonatan ng tatlong libong piling kawal sa Antioquia. Gayon na lamang ang tuwa ng hari nang dumating sila
45 sapagkat nagtipon na sa lunsod ang 120,000 katao para siya'y patayin.
46 Ngunit siya'y nakatakas sa palasyo samantalang nagkakagulo sa lansangan ang mga tao at nagpapasimula nang manggulo.
47 Hinudyatan ng hari ang mga kawal na Judio para tumulong, at sumugod silang lahat upang siya'y ipagtanggol. Pinasok nila ang buong lunsod at napatay nila ang hindi kukulangin sa 100,000 katao.
48 Nailigtas nila ang hari ngunit sinamsam nila ang mga ari-arian doon at sinunog ang lunsod.
49 Nang makita ng mga tao na ganap nang nasa kapangyarihan ng mga Judio ang lunsod, natakot sila at nagsumamo sa hari
50 na pansamantalang itigil ang labanan at ang pagsalakay ng mga Judio.
51 Ibinabâ ng mga rebelde ang kanilang mga sandata at sumuko. Mula sa hari, ang buong kaharian ay nagkaroon ng malaking paggalang sa mga Judio. Bumalik naman ang mga Judio sa Jerusalem na dala ang maraming nasamsam.
52 Matatag na ang paghahari ni Demetrio at naging mapayapa ang bansa sa pamamahala niya;
53 ngunit sinira niya ang lahat ng pangako kay Jonatan. Hindi niya ito ginantimpalaan sa matapat na paglilingkod. Sa halip, patuloy pa niya itong ginulo.
Tinulungan ni Jonatan si Antioco VI
54 Pagkaraan ng ilang panahon, si Trifo ay nagbalik na kasama ang batang si Antioco at pinutungan ito bilang hari.
55 Lahat ng kawal na pinaalis ni Demetrio ay dumating para maglingkod sa batang hari. Tinalo nila si Demetrio hanggang sa ito'y tumakas.
56 Kinuha ni Trifo ang mga elepante at siya ang namahala sa Antioquia.
57 Ang batang si Haring Antioco ay sumulat kay Jonatan at pinagtibay ang kanyang pagiging Pinakapunong Pari at tagapamahala ng apat na lunsod; ginawa rin siyang kaibigan ng hari.
58 Pinadalhan pa niya ito ng mga kagamitang ginto at binigyan ng pahintulot na uminom sa mga kopang ginto, magsuot ng balabal ng hari, at maglagay sa balikat ng gintong hibilya na ibinibigay lamang sa mga kamag-anak ng hari.
59 Itinalaga din niya si Simon na kapatid ni Jonatan bilang gobernador ng lupain mula sa baybayin ng Fenicia hanggang sa hangganan ng Egipto.
60 Si Jonatan ay naglakbay sa mga lunsod ng Kalakhang Siria kasama ang kanyang hukbo, at sumama sa kanya ang lahat ng hukbo ng Siria bilang mga kapanalig. Nagpunta siya sa Askelon, at doo'y pinarangalan ng mga mamamayan.
61 Nagtuloy siya sa Gaza, subalit sinarhan ng mga tao roon ang lahat ng pintuan. Kaya't kinubkob niya ang lunsod at sinunog; sinamsaman nila ang mga bayan sa paligid.
62 Sa gayon, nakipagkasundo para sa kapayapaan ang mga taga-Gaza, at pumayag si Jonatan na pansamantalang itigil ang labanan. Kinuha niya ang mga anak ng mga pinuno roon at ipinadala sa Jerusalem bilang mga bihag. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa paglilibot hanggang Damasco.
63 Nalaman ni Jonatan na ang mga pinuno ni Demetrio kasama ang isang malaking hukbo ay nagtungo sa Kades sa Galilea upang hadlangan siya sa kanyang balak.
64 Kaya iniwan niya sa Judea ang kanyang kapatid na si Simon at humandang makipagdigma sa kanila.
65 Si Simon naman ay lumusob sa Beth-sur at matagal na nakipaglaban doon.
66 Humingi ng kasunduang pangkapayapaan ang mga tao at pumayag si Simon. Sinakop niya ang bayan, pinalayas ang mga tao at naglagay roon ng isang malaking hukbo.
67 Si Jonatan at ang kanyang hukbo naman ay humimpil sa tabi ng Lawa ng Galilea. Kinaumagahan, maaga pa'y nagtuloy na sila sa kapatagan ng Hazor,
68 na kinaroroonan ng hukbo ng dayuhan na ngayo'y pasalubong sa kanila. Lingid kay Jonatan, isang pangkat ng kaaway ang naiwan sa kaburulan upang tambangan sila.
69 Kaya't nang sumalakay ang mga ito,
70 ang buong hukbo ni Jonatan ay umatras at tumakas. Walang natira kundi dalawang pinuno, si Matatias na anak ni Absalom, at si Judas na anak ni Calfi.
71 Napahiya si Jonatan kaya sinira niya ang kanyang kasuotan, naglagay ng abo sa ulo at nanalangin.
72 Pagkatapos, nagbalik siya sa labanan, tinalo ang kaaway at tumakas ang mga ito.
73 Nang makita ito ng kanyang hukbo na tumatakas, nagbalik sila at sumama sa kanya sa paghabol. Naitaboy nila ang kaaway hanggang sa kanilang kampo sa Kades at sinakop ang kampo.
74 May tatlong libong kawal ng kaaway ang napatay nang araw na iyon. Pagkatapos, si Jonatan ay nagbalik sa Jerusalem.