12
Pakikipagkaisa sa Roma at sa Esparta
1 Nang makita ni Jonatan na ang mga nagaganap ay nakakabuti sa kanya, pumili siya ng mga sugo at ipinadala sa Roma upang pagtibayin at sariwain ang pakikipagkaibigan sa mga tagaroon.
2 Nagpadala rin siya ng mga liham na may gayong pahayag sa mga taga-Esparta at sa iba pang lugar.
3 Ang mga sugo ay nagtungo sa Roma at tinanggap sa bulwagan ng Senado. Sinabi nilang sila'y isinugo ng Pinakapunong Paring si Jonatan at ng bansang Judio upang sariwain ang dating pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa Roma.
4 Binigyan sila ng mga taga-Roma ng mga sulat para sa mga maykapangyarihan sa bawat bansang daraanan nila, na tumitiyak sa ligtas na paglalakbay nila pabalik sa lupain ng Judea.
5 Narito ang sipi ng sulat ni Jonatan sa mga taga-Esparta:
6 “Si Jonatan na Pinakapunong Pari, ang pambansang konseho ng mga pinuno, mga pari, at ang mga mamamayan ng Judea, ay bumabati sa aming mga kapatid sa Esparta.
7 Noong nakaraang panahon, ang inyong Haring Arios ay sumulat sa aming Pinakapunong Paring si Onias at sinabing may kaugnayan ang ating mga bansa, gaya ng isinasaad ng kalakip na sipi.
8 Buong pagpaparangal na tinanggap ni Onias ang inyong sugo at ipinaalam ang pagkatanggap ng inyong liham na nagpapahayag ng ating kasunduan at pagkakaibigan.
9 At ngayon, bagaman hindi namin kailangan ang ganitong kasunduan, sapagkat sa aming mga banal na aklat natatagpuan namin ang aming kalakasan,
10 sumulat kami upang sariwain ang ating pagkakapatiran at pagkakaibigan. Hindi namin nais na kami'y lubusan ninyong makalimutan; marami na ring taon ang nakakalipas buhat nang kayo'y makipag-ugnayan.
11 Sa mga nagdaang taon, sa lahat ng pagkakataon tuwing ipinagdiriwang namin ang aming kapistahan at iba pang tanging araw, kayo'y aming ginugunita kapag naghahandog kami at nananalangin, gaya ng nararapat gawin ng magkakapatid.
12 Ikinagagalak din naming kayo'y napatanyag.
13 Ngunit sunud-sunod ang aming pakikipagdigma sapagkat palagi kaming sinasalakay ng mga bansa sa paligid.
14 At sa panahon ng digmaan, hindi namin ninais na gambalain kayo o sinuman sa aming mga kapanalig at kaibigan,
15 sapagkat kami'y tinutulungan ng Panginoon na siyang lumupig sa aming mga kaaway at nagligtas sa amin.
16 Ngayo'y isinugo namin si Numenio na anak ni Antioco at si Antipater na anak ni Jason, upang sariwain ang tali ng pakikipagkaibigan at pakikipagkaisa sa mga taga-Roma.
17 Inutusan din namin silang dalhin sa inyo ang aming pagbati at ang liham na ito tungkol sa pagsasariwa ng ating pagkakapatiran.
18 Ngayon nga, hinihiling namin ang inyong tugon sa liham na ito.”
19 Kasunod nito ang sipi ng naunang sulat:
20 “Pagbati ni Haring Arios ng Esparta kay Onias, ang Pinakapunong Pari.
21 Natagpuan namin ang isang kasulatan tungkol sa mga taga-Esparta at mga Judio; ito'y nagsasaad na may kaugnayan tayo, na ang ating bansa ay kapwa nagbuhat kay Abraham.
22 Ngayong natuklasan namin ito, mangyaring magpadala kayo sa amin ng ulat tungkol sa inyong katayuan.
23 Bilang tugon, padadalhan namin kayo ng isang liham na nagsasaad na kami ay nakahandang magbahagi ng aming ari-arian, pati mga kawan, kung gayon din ang gagawin ninyo. Binigyan na namin ng utos ang aming mga sugo para mag-ulat sa inyo nang naaayon sa mga bagay na ito.”
Ang mga Pakikipaglaban nina Jonatan at Simon
24 Nalaman ni Jonatan na nagbalik ang mga pinuno ni Demetrio upang sumalakay, at higit na marami ang kanilang kawal kaysa dati.
25 Hindi niya nais na bigyan sila ng pagkakataong makapasok sa kanyang lupain, kaya't lumabas siya sa Jerusalem at sinalubong sila sa Hamat.
26 Nagsugo siya ng ilang tauhan upang manmanan ang kampo ng kaaway. Iniulat nila sa kanya na nagbabalak sumalakay kinagabihan ang mga kaaway.
27 Paglubog ng araw, pinahanda ni Jonatan ang lahat ng kawal at ang kanilang mga sandata para sa biglaang pagsalakay anumang oras ng gabi. Naglagay rin siya ng mga bantay sa palibot ng kampo.
28 Nang malaman ng mga kalaban na handang makipaglaban si Jonatan, natakot sila at tumakas. Iniwan nila ang kanilang mga siga sa kampo.
29 Nakita ni Jonatan at ng mga tauhan niya ang mga siga ngunit hindi nila nalaman ang nangyari kundi nang mag-umaga na.
30 Hinabol sila ni Jonatan ngunit hindi inabutan sapagkat sila'y nakatawid na sa Ilog Eleutero.
31 Nang magkagayon, sinalakay naman ni Jonatan ang isang lipi ng mga Arabo na tinatawag na mga Zabadeano. Tinalo niya ang mga ito at sinamsam ang kanilang ari-arian.
32 Pagkatapos, humiwalay siya sa kampo at nagtungo naman sa Damasco para siyasatin ang buong lugar na iyon.
33 Samantala, si Simon ay naglunsad din ng isang sunud-sunod na pananalakay, at umabot siya hanggang Askelon at sa mga kuta sa paligid. Pagkatapos, siya'y nagpunta sa Joppa
34 at nag-iwan ng mga kawal doon sapagkat nabalitaan niya na binabalak ng mga tagaroon na ibigay sa mga kawal ni Demetrio ang kuta ng Joppa.
35 Pagbalik ni Jonatan, pinulong niya ang mga pinuno. Nagkasundo sila na magtayo ng mga kuta sa Judea,
36 pataasan ang mga pader ng Jerusalem, at magpagawa ng mataas na pader para ihiwalay sa lunsod ang kuta. Kapag nakahiwalay ang kuta, mahirap nang bumili o magtinda ang kaaway ng anumang bagay.
37 Magkakasamang gumawa ang lahat para mapatibay ang tanggulan ng lunsod sapagkat gumuho ang bahagi ng pader sa silangan sa may Libis ng Kidron; pati ang bahagi ng Kafenata ay kailangan ding ayusin.
38 Muli ring itinayo ni Simon ang bayan ng Adida sa paanan ng bundok. Nilagyan niya ito ng kuta at ng mga pintuang may tarangka.
Nabihag ni Trifo si Jonatan
39 Binalak ni Trifo na maghimagsik laban kay Haring Antioco upang siya ang maging hari ng Asia.
40 Ngunit natakot siya na baka hindi pumayag si Jonatan at siya'y digmain para hadlangan ang kanyang balak. Kaya pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbo at nagtungo sa Beth-san sa pag-asang mabibihag si Jonatan at maipapapatay.
41 Ngunit nagpunta rin si Jonatan sa Beth-san na may kasamang apatnapung libong piling kawal.
42 Nang makita ni Trifo ang napakaraming kawal na kasama ni Jonatan, natakot siyang gumawa ng anuman.
43 Kaya tinanggap niya at pinarangalan si Jonatan, binigyan ng mga handog, ipinakilala sa kanyang mga tagapayo, at sinabi pa sa kanyang mga tagapayo at mga kawal na sundin si Jonatan, gaya ng pagsunod nila sa kanya.
44 Tinanong niya si Jonatan, “Bakit mo pinahanda ang napakaraming kawal gayong hindi naman tayo nakikipagdigma?
45 Pauwiin mo na sila. Pumili ka na lamang ng ilan para makasama mo at samahan ninyo ako sa Tolemaida. Ibibigay ko sa iyo ang lunsod na iyon pati na ang mga kuta, mga hukbo, at lahat ng pinuno roon. Pagkatapos, ako'y aalis na. Iyan nga ang dahilan kaya ako narito.”
46 Naniwala naman si Jonatan, at sinunod ang kanyang payo. Pinauwi nga niya sa Judea ang kanyang mga kawal.
47 Nagtira lamang siya ng tatlong libo para makasama niya, ngunit iniwan ang dalawang libo nito sa Galilea, kaya isang libo lamang ang talagang sumama sa kanya sa paglalakbay.
48 Ngunit nang makapasok sa Tolemaida si Jonatan, isinara ng mga tao ang lahat ng pintuan, dinakip siya at pinatay ang lahat niyang kasama.
49 Nagpadala si Trifo ng mga sundalo at mga mangangabayo sa Galilea at sa Libis ng Jezreel upang patayin ang iba pang mga kawal ni Jonatan doon.
50 Ngunit nalaman ng hukbong Judio na nabihag at napatay si Jonatan, kasama ng mga kawal niya, kaya nag-usap-usap sila at humandang makipagdigma.
51 Nang makita ng dumarating na hukbo ng kalaban na handang mamatay sa pakikipaglaban ang mga Judio, sila'y nagbalik.
52 Sa gayon, ligtas na nakabalik sa Judea ang mga kawal na Judio, ngunit takot na takot sila. Nagdalamhati ang buong bansa, sa pag-aakalang pinatay si Jonatan at ang lahat ng tauhan niya.
53 Tinangka ng mga bansa sa paligid na sila'y puksain. Sa akala nila, wala nang pinuno o kapanalig ang mga Judio at iyon na ang angkop na panahon upang lipulin sila at wakasan ang kanilang kasaysayan.