13
Pinangunahan ni Simon ang mga Judio
Nalaman ni Simon na nagtipon si Trifo ng malaking hukbo at nagbabalak na wasakin ang Judea. Naisip din niya na ang balitang ito ang naghasik ng takot at sindak sa mga tao, kaya nagpunta siya sa Jerusalem at tinipon ang mga tao. Sinikap niyang palakasin ang kanilang loob. Sinabi niya, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ng aming pamilya, mga kapatid, at pati na ako, alang-alang sa Kautusan ni Moises at ng Templo. Alam din ninyo ang mga digmaang sinuong namin. Napatay na lahat ang mga kapatid ko sa pagtatanggol sa ating Kautusan, sa ating Templo, at sa ating bansa. Ako na lamang ang natitira ngayon. Subalit huwag sabihin ninuman na iniligtas ko ang aking sarili sa panahon ng panganib. Hindi ko ipinapalagay na mas mabuti ako kaysa mga kapatid ko. Totoo na nagkaisa ang lahat ng bansang Hentil para puksain tayo dahil sa kanilang galit, ngunit lalaban ako upang ipagtanggol ang aking bansa, ang Templo, at ang inyong mga mahal sa buhay.”
Nabuhayan ng loob ang mga tao dahil sa mga pananalitang ito, at malakas silang sumagot, “Ikaw na ngayon ang aming pinuno, kapalit ng mga kapatid mong sina Judas at Jonatan. Makipagdigma ka para sa amin, at susundin namin ang lahat ng iuutos mo.” 10 Kaya tinipong lahat ni Simon ang mga kawal at mabilis na tinapos ang pagpapataas sa pader ng Jerusalem at ang pagpapatibay sa lahat ng tanggulan. 11 Isinugo niya sa Joppa si Jonatan na anak ni Absalom kasama ang isang malaking hukbo. Ang Jonatang ito ang nagtaboy sa mga tagaroon at sumakop sa naturang bayan.
12 Nilisan naman ni Trifo ang Tolemaida na may kasama ring isang malaking hukbo upang lusubin ang Judea. Isinama niya ang bihag niyang si Jonatan na kapatid ni Simon. 13 Si Simon ay humimpil sa Adida sa gilid ng kapatagan. 14 Nang malaman ni Trifo na si Simon ang pumalit kay Jonatan at handa na itong humarap sa kanya sa digmaan, ito ang ipinasabi niya, 15 “Ipinadakip ko ang kapatid mong si Jonatan sapagkat hindi siya nagbayad ng kanyang utang sa kabang-yaman ng palasyo noong siya'y nanunungkulan. 16 Ngunit palalayain ko siya kung babayaran mo ako ng 3,500 kilong pilak at ipadadala ang dalawa niyang anak bilang kapalit na bihag para garantiya na hindi siya maghihimagsik laban sa amin kung siya ay palayain na.”
17 Alam ni Simon na panlilinlang lamang iyon. Gayunman, nagpadala siya ng naturang halaga at pinasama rin ang dalawang anak sapagkat hindi niya nais na magsiklab ang galit ng mga Judio. 18 Nangangamba siya na baka masabi nilang pinatay si Jonatan dahil hindi ipinadala ni Simon ang salapi at ang dalawang bata. 19 Kaya nga, ibinigay niya ang hinihingi ni Trifo, ngunit hindi ito tumupad sa pangako; hindi niya pinalaya si Jonatan.
20 Kumilos na si Trifo para lusubin ang lupain at wasakin. Pinaligiran niya ito sa daan patungong Adora. Ngunit kahit saan sila magpunta ay sinasalubong sila ng pangkat ni Simon. 21 Ang mga kawal ng kaaway na nakatalaga sa kuta ng Jerusalem ay patuloy na nagpapasabi kay Trifo na puntahan sila agad at dalhan ng kanilang mga pangangailangan. Ipinasabi pa na sa ilang sila dumaan pagpunta roon. 22 Pinahanda ni Trifo ang kanyang hukbong nakakabayo para sa paglusob, ngunit umulan ng niyebe nang gabing iyon at hindi siya makaakyat sa kaburulan. Kaya't umatras siya at sa Gilead nagtuloy. 23 Nang malapit na siya sa Basama, ipinapatay niya si Jonatan at doon ipinalibing, 24 saka siya nagbalik sa sariling bayan.
25 Ipinakuha ni Simon ang bangkay ng kapatid niyang si Jonatan at ipinalibing sa Modein, sa libingan ng kanilang mga ninuno. 26 Nagdalamhati ang buong Israel sa pagkamatay ni Jonatan at maraming araw silang nagluksa. 27 Sa ibabaw ng libingan ng kanyang ama at mga kapatid ay nagpagawa si Simon ng isang mataas na bantayog na nakikita kahit sa malayo. Iyon ay nababalutan ng pinakinang na bato. 28 Nagpagawa rin siya ng pitong piramid na magkakatabi, para sa kanyang ama, ina, at apat na kapatid. 29 Ang mga piramid ay binubuo ng matataas na haliging may nakaukit na larawan; may larawan ng baluti ng kawal, mayroon ding larawan ng mga sasakyang-dagat. Ito'y bantayog ng kanilang mga tagumpay at maaaring madalaw ng mga panauhin mula sa ibayong dagat. 30 Ang libingang ipinagawa niya sa Modein ay naroon pa hanggang ngayon.
31 Samantala, pinatay ni Trifo ang batang haring si Antioco VI, 32 at siya ang naghari sa Asia. Maraming kaguluhan ang nilikha niya sa bansang iyon.
33 Muling ipinagawa ni Simon ang mga kuta ng Judea at pinalagyan ng matataas na tore, matitibay na pader, at pintuang may kandado. Pagkatapos, naglagay siya roon ng maraming pagkain. 34 Nagpasugo siya kay Haring Demetrio II para hilingin na huwag na silang papagbayarin ng buwis, sapagkat walang ginawa si Trifo kundi ang pagnakawan sila. 35 Ganito ang sinasabi ng sulat na ipinadala ni Haring Demetrio bilang tugon:
36 “Pagbati mula kay Haring Demetrio para sa Pinakapunong Paring si Simon, ang kaibigan ng mga hari, at sa bansang Judio kasama ang kanilang mga pinuno. 37 Natanggap ko ang gintong korona at gintong sanga ng palma na ipinadala mo, at ako'y nahahandang makipagkasundo sa inyo at atasan ang mga pinuno na huwag na kayong hingan ng buwis. 38 Pinapagtibay ko ang nauna nating mga kasunduan. Mananatiling pag-aari ninyo ang mga tanggulang ipinagawa ninyo. 39 Pinatatawad ko rin ang inyong mga paglabag sa kasunduan, at hindi na rin kayo magbibigay ng mga tanging buwis at iba pang buwis na dating nililikom sa Jerusalem. 40 Lahat ng Judiong makakapasa ay maaaring magpatala para maglingkod sa palasyo. Pairalin natin ang kapayapaan.”
41 Kaya noong taóng 170, inalis sa mga Judio ang pamatok ng mga mapang-aping Hentil. 42 Ang mga kasulatan at kasunduan ay pinalagyan ng ganitong petsa: “Sa unang taon ni Simon, ang dakilang Pinakapunong Pari, tagapanguna at pinuno ng mga Judio.”
43 Nang+ panahon ding iyon, nilusob ni Simon ang Gazara at pinalibutan ito ng kanyang hukbo. Gumawa siya ng platapormang panlusob na maaaring tanggalin at dinala ito sa gilid ng pader ng lunsod. Matapos salakayin ang isang tore at masakop ito, 44 ang mga tauhang nasa platapormang panlusob ay pumasok sa lunsod. Gayon na lamang ang kaguluhang nilikha nila. 45 Dahil sa kalituhan, sinira ng kalalakihan sa lunsod at ng kanilang asawa't mga anak ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, umakyat sila sa pader ng lunsod at malakas na nakiusap kay Simon na itigil na ang labanan. 46 “Maawa kayo sa amin! Huwag ninyo kaming parusahan,” pakiusap nila.
47 Pumayag naman si Simon at itinigil ang labanan. Pinaalis niya sa lunsod ang mga tao. Pagkatapos, nilinis niya ang mga bahay na may diyus-diyosan. Pagkaraang gawin iyon, pumasok siya at ang kanyang mga tauhan sa gitna ng lunsod. Nag-awitan sila ng mga himno at awit ng pagpupuri. 48 Inalis niya ang lahat ng bagay na nagpaparumi sa lunsod alinsunod sa utos ng Diyos, at pinatira roon ang mga taong matapat na tumupad sa Kautusan ni Moises. Pinatibay niya ang mga tanggulan at doon na rin nagpagawa ng palasyo para sa kanyang sarili.
49 Ang mga nasa kuta ng Jerusalem ay hindi na makalabas para bumili o magbili ng anuman. Nagdaranas na sila ng matinding pagkagutom at marami ang namatay sa gutom. 50 Sa wakas, nagsumamo sila kay Simon na makipagkasundo na. Pumayag ito, inalis sila sa kuta, at ito'y nilinis pagkatapos. 51 Nang ika-23 araw ng ika-2 buwan, taóng 171, nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa lunsod sapagkat nagwakas na ang kahindik-hindik na banta sa Israel. Pumasok sa kuta si Simon at ang kanyang mga tauhan na umaawit ng himno ng pagpupuri at pasasalamat habang may hawak na mga sanga ng palma, at tumutugtog naman ng alpa, pompiyang at lira ang iba. 52 Nagpalabas ng utos si Simon nang araw na iyon na ang naturang araw ay dapat ipagdiwang taun-taon. Pinatibay niya ang mga tanggulan ng Templo sa gawing kaburulan paharap sa kuta at doon sila humimpil ng mga tauhan niya. 53 Malaki na noon si Juan na anak ni Simon, kaya ginawa itong tagapanguna ng buong hukbo; sa Gezer humimpil si Juan.
+ 13:43 2 Mcb. 10:32-38.