7
Naglayag sina Baquides at Alcimo
(2 Mcb. 14:1-36; 15:1-36)
Noong taóng 151, naglayag si Demetrio na anak ni Seleuco mula sa Roma kasama ng ilang piling tauhan. Dumaong sila sa isang lunsod sa baybay-dagat at itinalaga ang sarili bilang hari. Nang papunta na siya sa palasyo ng kanyang mga ninuno, dinakip ng mga kawal sina Antioco at Lisias para iharap sa kanya. Ngunit nang ipagbigay-alam ito kay Demetrio, sinabi niya, “Ayokong makita ang mga taong iyan.” Kaya't pinatay ang dalawa at naupo sa trono si Demetrio.
Ang pamamahala niya'y sinamantala ng masasamang loob. Sa pangunguna ni Alcimo na gustong maging Pinakapunong Pari, sila'y nagpunta sa hari at sinabi ang ganitong paratang laban sa ibang Judio: “Mahal na hari, pinatay po ni Judas at ng kanyang mga kapatid ang lahat ng pumapanig sa inyo. Pati kami ay pinalayas sa aming bansa. Para maniwala kayo, magpadala kayo ngayon ng inyong pinagkakatiwalaang tao at alamin ang lahat ng ginawang ito ni Judas sa amin at sa inyong lupain. Kailangang parusahan ninyo siya at lahat ng kanyang mga tauhan.”
Bilang tugon, pumili agad ang hari ng mapagkakatiwalaan niyang tao. Ang napili ay si Baquides, isa sa mga kaibigan ng hari. Siya ay gobernador sa ibayo ng Eufrates, kinikilala sa kaharian at napakatapat sa hari. Pinasama niya rito ang hindi kumikilala sa Diyos na si Alcimo na ginawa niyang Pinakapunong Pari. Ang utos niya sa dalawa ay paghigantihan ang Israel. 10 Umalis sila sa Antioquia kasama ang isang malaking hukbo. Pagdating sa Judea, nagsugo agad si Baquides ng mga kinatawan kay Judas at mga kapatid nito upang kunwa'y makikipagkaibigan. 11 Ang layuning ito'y hindi nila pinaniwalaan nang makitang malaki ang dala nilang hukbo.
12 Isang pangkat ng mga dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kina Baquides at Alcimo upang humingi ng katarungan. 13 Ang mga deboto at makabayang lalaking ito ang una sa mga Judiong nakipag-ugnay sa kanila, 14 sapagkat ganito ang usapan nila: “Isang pari mula sa lipi ni Aaron ang dumating na kasama ng hukbo; hindi nila tayo pipinsalain.” 15 Mapayapang nakipag-usap si Alcimo sa kanila, at ganito ang pangako: “Kayo at ang inyong mga kaibiga'y hindi namin gagambalain.” 16 Dahil sa pangakong ito, nagtiwala sila. Ngunit walang anu-ano'y hinuli ang animnapu sa kanila at pinaslang noon din. Ganito ang sinasabi ng kasulatan:
17 “Ikinalat+ nila ang bangkay ng inyong mga hinirang,
ang dugo nila'y dumanak sa paligid ng Jerusalem,
at wala isa mang natira upang maglibing.”
18 Dahil dito, takot at pangamba ang nadama ng mga tao. Sabi nila, “Hindi dapat pagtiwalaan ang mga taong ito. Mga sinungaling sila at walang katarungan. Sila na rin ang sumira sa kanilang pangako.” 19 Matapos gawin ang pamamaslang, si Baquides ay umalis sa Jerusalem at humimpil sa Beth-Zait. Mula roo'y iniutos niyang dakpin ang lahat ng mga takas na Judiong sumama sa kanya. Ang mga ito'y ipinapatay at ipinatapon sa isang malaking hukay. 20 Ipinagkatiwala niya kay Alcimo ang pamamahala sa mga lalawigan at nag-iwan siya rito ng isang bahagi ng hukbo bago nagbalik sa hari.
21 Ipinaglabang mabuti ni Alcimo ang kanyang hangaring manatiling Pinakapunong Pari. 22 Lahat ng mahilig sa gulo ay lumapit sa kanya. Sila ang nanungkulan sa Judea, ginulo ng mga ito ang buong Israel. 23 Hindi nalingid sa kaalaman ni Judas ang kasamaang ito na higit pa sa ginawa ng mga Hentil. 24 Nilibot niya ang buong Judea at pinaghigantihan ang lahat ng pumanig kay Alcimo, kaya ang mga ito'y hindi nakatakas. 25 Sa unti-unting paglakas ng pangkat ni Judas, nangamba si Alcimo na hindi na niya ito kayang harapin. Kaya, nagsumbong siya sa hari at pinaratangan ng pagmamalabis sina Judas.
26 Nang marinig ng hari ang ginagawa ni Judas, isinugo niya si Nicanor, isa sa bantog niyang pinuno ng hukbo at mahigpit na kaaway ng mga Israelita, upang lipulin ang mga ito. 27 Dumating si Nicanor sa Jerusalem kasama ang isang malaking hukbo. Nagkunwari siyang makikipagkaibigan kay Judas. Ang sabi niya, 28 “Huwag na tayong maglaban. Magsasama ako ng ilan lamang tauhan at mag-usap tayo nang mapayapa.” 29 At pumunta nga siya kay Judas at sila'y nagbatian nang mapayapa. Ngunit nakahanda ang mga tauhan niya upang hulihin si Judas. 30 Naramdaman ni Judas na nais lang siyang linlangin ni Nicanor, kaya sa takot niya'y hindi na siya nakiharap uli rito. 31 Nalaman ni Nicanor na hindi kumagat si Judas sa kanyang pain, kaya lumabas siya para salakayin ito sa Cafar-Salama. 32 Ngunit nagapi si Nicanor. Limandaang kawal niya ang nasawi at ang iba'y nagtago sa Lunsod ni David.
33 Samantala, umakyat naman sa Bundok ng Zion si Nicanor. Pinatuloy siya ng ilang pari mula sa Templo, kasama ang ilang matatanda, upang ipakita sa kanya ang handog para sa hari. 34 Ngunit hindi nasiyahan si Nicanor. Kinutya, hinamak, at dinuraan niya ang mga ito. 35 Sa galit niya'y sinabi niya, “Kapag hindi sumuko sa akin si Judas at ang kanyang hukbo, babalik ako matapos magtagumpay at susunugin ko ang Templong ito.” At umalis siyang galit na galit.
36 Nanangis na pumasok sa Templo ang mga pari at sa harap ng dambana ay nanalangin, 37 “Panginoon, pinili mo ang Templong ito para magtaglay ng iyong pangalan, upang dito ka katagpuin at dalanginan ng mga hinirang mo. 38 Ipaghiganti mo kami sa taong ito at sa kanyang hukbo. Bayaan mo silang malipol sa labanan. Huwag mong pahintulutan na lagi ka nilang lapastanganin.”
39 Iniwan ni Nicanor ang Jerusalem at doon nagkampo sa Beth-horon. Sumama sa kanya roon ang hukbo ng Siria. 40 Samantala, si Judas, kasama ang tatlong libong tauhan ay humimpil sa Adasa. Nanalangin siya ng ganito: 41 “Panginoon,+ nang lapastanganin ka ng mga isinugo ng hari, pinatay ng anghel mo ang 185,000 sa kanila. 42 Gayon din sana ang gawin mo ngayon sa hukbong kalaban namin para malaman ng lahat na pinarusahan mo si Nicanor dahil sa paglapastangan sa iyo.”
43 Ikalabintatlong araw noon ng ikalabindalawang buwan nang sagupain ng hukbo ni Judas ang hukbo ni Nicanor. Nagapi ang hukbo ni Nicanor at namatay ito sa labanang iyon. 44 Nang mamatay si Nicanor, iniwan ng kanyang mga kawal ang kanilang sandata at nagsitakas. 45 Maghapon silang tinugis ng mga Judio, mula sa Adasa hanggang Geza. Hinihipan nila ang kanilang trumpeta habang tinutugis ang mga kaaway. 46 Ang buong palibot ng Judea ay tumulong sa pagtugis kaya walang matakbuhan ang mga kaaway, at ang mga ito ay napatay na lahat.
47 Ang naiwang mga ari-arian ay sinamsam ng mga Judio. Pinugot nila ang ulo ni Nicanor at pinutol ang kanyang kanang kamay, na labis niyang ipinagpasikat sa taglay na kapangyarihan. Dinala nila ang mga ito sa Jerusalem at ipinakita sa mga tao. 48 At nagpista ang mga tao sa tuwa. 49 Lahat ay nagkaisang magdiwang taun-taon tuwing ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 50 At sandaling natahimik ang lupain ng Judea.
+ 7:17 Awit 79:2-3. + 7:41 2 Ha. 19:35.