8
Ang Pakikipagkasundo sa mga Romano
1 Nabalitaan ni Judas ang lakas at tapang ng mga kawal ng Roma. Bantog na bantog sila at nagmamalasakit sa alinmang bansang maging kakampi nila.
2 Nabalitaan din ni Judas ang pakikipaglaban at paglupig nila sa mga taga-Galia, at ang pagpapabuwis sa mga ito.
3-4 Sa mabisang pamamaraa'y nasakop din ng hukbo ng Roma ang buong Espanya, bagaman malayo ito, at ang lahat ng mina ng pilak at ginto ay kanilang nakuha. Nalupig nila ang mga haring galing pa sa malalayong lugar at ang nakaligtas sa kanila'y pinagbabayad nila ng buwis taun-taon.
5 Kahit sina Haring Felipe at Perseo ng Macedonia at iba pang tumulong sa kanilang harapin ang mga taga-Roma ay pawang nalupig at naging alipin.
6 Wala ring nagawa ang balitang-balitang si Antiocong Dakila, hari ng Asia, na nangahas lumaban sa mga taga-Roma, kasama ang malaking hukbo niyang binubuo ng mga mangangabayo, mga karwahe at 120 elepante.
7 Nahuli nilang buháy ang hari; siya at ang susunod pang mga hari ay itinakdang magbayad ng kaukulang buwis. At kinakailangang magbigay sila ng mga alipin
8 at isuko ang ilang pangunahing lalawigan nila nang panahong iyon kasama ang India, Media at Lidia. Ang mga ito'y kinuha ng mga taga-Roma at ibinigay kay Haring Eumenes.
9 Tinangka ng mga taga-Grecia na salakayin sila at lipulin.
10 Ngunit natuklasan ito ng mga taga-Roma, at isa lamang heneral nila ang isinugo para lumaban. Sa magiting na pangunguna nito, tinalo ang mga kaaway at nabihag ang mga asawa't anak nila. Pinasok ng mga taga-Roma ang Grecia, sinamsam ang mga ari-arian, sinakop ang lupain, winasak ang mga tanggulan at inalipin ang mga mamamayan hanggang sa mga panahong ito.
11 Nawasak din at naging alipin nila ang lahat ng mga bansa at kahariang nagtangkang lumaban.
12 Ngunit sa mga kumakampi at umaasa sa kanila, sila'y nanatiling kaibigan. Walang haring di nila nalupig at ang makabalita nito'y natatakot sa kanila.
13 Sinumang gusto nilang maging hari ay tinutulungan nilang maging hari, at sinumang hari na gustong ibagsak ay ibinabagsak nila. Kaya kinilala ang kapangyarihan nila.
14 Sa kabila ng lahat ng ito, wala isa mang taga-Roma na nagtangkang magputong ng korona sa sarili at magsuot ng damit ng hari.
15 Ang binuo nila ay isang Senado na binubuo ng 320 lalaki at nagpupulong ito araw-araw upang pag-usapan ang mga bagay sa ikauunlad ng bayan.
16 Taun-taon, ipinagkakatiwala nila sa isang tao ang pangangasiwa sa bansa. Sinusunod nila ito nang walang inggitan o panibugho.
17 Dahil sa magandang balitang ito, isinugo ni Judas si Eupolemo na anak ni Juan at apo ni Acco. Pinasama niya si Jason na anak ni Eleazar at pinapunta sila sa Roma para makipagkaibigan sa bansang ito.
18 Naisip niyang ito ang paraan upang makaiwas sa napipintong pang-aalipin ng mga Griego.
19 Pagkatapos ng mahabang paglalakbay, dumating ang mga sugo sa Roma. Nagtuloy sila agad sa Senado at nagsalita ng ganito sa harap ng kapulungan: “Kami po'y mga sugo ng aming bansang Judio
20 at ipinadala rito ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid para makipagkaibigan sa inyo. Nais naming makipagkaibigan sa inyo.”
21 Ang alok na ito'y ikinatuwa ng mga taga-Roma.
22 Ang tugon nila'y iniukit sa isang tapyas na tanso at ipinadala sa Jerusalem upang maging alaala ng kapayapaan at pakikipagkaisa. Ganito ang isinasaad:
23 “Manatili nawang matiwasay at matagumpay ang Roma at ang bansang Judio sa karagatan at sa lupain magpakailanman. Nawa'y malayo sa kanila ang tabak at mga kaaway!
24 Ngunit kung unang digmain ang Roma o alinman sa kanyang mga kapanalig saanmang pook na nasasakop nito,
25 buong pusong sasaklolo ang mga Judio sa abot ng kanilang makakaya.
26 Sa sinumang kaaway niya ay hindi magbibigay ang mga Judio ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-dagat, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma; gagampanan nila ang kanilang tungkulin na walang inaasahang kabayaran.
27 “Gayon din, kung ang mga Judio naman ang unang digmain, buong puso silang sasaklolohan ng mga taga-Roma sa abot ng kanilang makakaya ayon sa hinihingi ng pangyayari.
28 Sa mga sumalakay, hindi sila magbibigay ng trigo, sandata, salapi, o sasakyang-pandagat man, alinsunod sa napagkasunduan sa Roma. Tutuparin ng mga Romano ang kanilang tungkulin nang walang panlilinlang.
29 “Ganito ang kasunduan ng mga taga-Roma at ng mga Judio.
30 Sa kasunduang ito, anumang mapagkasunduang idagdag o bawasin ng alinmang panig ay maaaring pagpasyahan at bigyan ng bisa.
31 “Tungkol naman sa kapinsalaang ginagawa ni Haring Demetrio sa mga Judio, may liham na kaming ipinadala sa kanya upang itanong ito, ‘Bakit mo pinahihirapan ang mga kaibigan naming Judio?
32 Kapag nagsumbong pa silang muli sa amin, ipaglalaban na namin ang kanilang karapatan at didigmain namin kayo, sa lupa man o sa dagat.’ ”