10
Muling Itinalaga ang Templo
(1 Mcb. 4:36-61)
Sa tulong ng Panginoon, napalaya ang Jerusalem at nabalik ang Templo nang lusubin ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang lunsod ng Jerusalem. Winasak nila ang mga altar na itinayo ng mga Hentil sa pamilihan, gayon din ang ibang mga dakong sambahan. Pagkatapos, nilinis nila ang Templo at nagtayo sila ng bagong altar. Sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang taon, naghandog sila at tinupok ito ng apoy na mula sa kiniskis na bato. Nagsunog din sila ng insenso, nagsindi ng mga ilawan, at naglagay ng itinalagang tinapay. Nang maihanda ang lahat, nagpatirapa sila at nanalangin sa Diyos at hiniling sa kanya na huwag na sana nilang danasin ulit ang kanilang sinapit. Hiniling din nila na kung magkakasala silang muli, sana'y maging banayad ang parusang tatanggapin nila at huwag na silang ibibigay sa kamay ng malulupit at walang habag na mga Hentil. Nang ikadalawampu't limang araw ng ikasiyam na buwan, araw rin nang lapastanganin ng mga Hentil ang Templo, idinaos nila ang muling pagtatalaga sa Templo. Walong araw na masayang nagdiwang ang mga Judio tulad din ng pagdiriwang sa Pista ng mga Tolda. Naalala nila na di pa lubhang nagtatagal, idinaos nila ang Pista ng mga Tolda habang naggagala sila na parang maiilap na hayop sa kabundukan at naninirahan sa mga yungib. Sa kanilang pagdiriwang ngayon ay may dala silang mga dahon ng palma at mga tungkod na napapalamutian ng magagandang dahon habang kumakanta ng mga awiting pasasalamat at papuri sa Diyos na nagdulot ng pagkakataon upang linising muli ang Templo. Nagpalabas din sila ng kautusan na ang araw na ito ay ipagdiwang ng buong bansang Judio taun-taon.
Nagpakamatay si Tolomeo
Ganyan nagwakas ang buhay ni Haring Antioco na tinawag ding Epifanes. 10 Ang+ ilalahad ko naman ngayon ay ang kasaysayan ng anak niyang si Antioco Eupator, at ang kasamaang ibinunga ng kanyang mga pakikidigma. 11 Pagkaupung-pagkaupo ni Eupator bilang hari, inilagay niya si Lisias bilang punong-pangkalahatan upang magpalakad ng pamahalaan ng Celesiria at Fenicia. 12 Si Tolomeo Macron, ang kauna-unahang gobernador na naging mabuti ang pakikitungo sa mga Judio. Nasaksihan niya ang mga kalupitang ginawa sa mga Judio. Kaya't ibinalik niya ang mapayapang pagsasamahan nila, upang kahit papaano'y mabayaran ang kalupitang dinanas nila. 13 Nang malaman ito ng mga kaibigan ng hari, isinumbong siya kay Haring Eupator. Sinabi nilang nagtaksil siya sapagkat iniwan niya ang Cyprus na ipinagkatiwala sa kanya ni Filometor, at kay Antioco Epifanes siya pumanig. Dahil dito, hindi na siya iginagalang ng mga tao, kaya't nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.
Nagapi ni Judas Macabeo ang mga Idumeo
(1 Mcb. 5:1-8)
14 Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio. 15 Kasabay nito, ang mga Edomita naman mula sa kanilang matitibay na tanggulan ay patuloy na nanggigipit sa mga Judio. Tinanggap nila ang mga takas na rebelde mula sa Jerusalem at hindi tinigilan ang pakikipaglaban sa mga Judio. 16 Sa kabilang dako, si Judas Macabeo at ang pangkat niya ay nanalangin upang tulungan sila ng Diyos, pagkatapos ay agad nilang sinalakay ang tanggulan ng mga Edomita. 17 Hindi nila nilubayan ang pagsalakay hanggang sa napasakamay nila ang mga tanggulan ng kaaway. Lahat ng makitang kaaway ay pinatay; umabot sa bilang na dalawampung libo ang mga kaaway na napatay.
18 May 9,000 nagkubli sa dalawang napakatibay na tore na may sapat na pagkain at kagamitan sakali mang sila ay kubkubin. 19 Upang hindi makatakas ang mga ito, itinalaga ni Judas Macabeo sina Simon at Jose at pinatulungan pa sa pangkat ni Zaqueo para kubkubin ang mga tanggulan. Si Judas ay umalis at nagpunta sa lugar na lalo siyang kailangan. 20 Sa pangkat ni Simon ay may ilang mga tao na mukhang pera. Nilapitan sila ng mga kaaway mula sa tanggulan at inalok ng 140 librang pilak para pabayaan silang makatakas. 21 Ang ganitong pagtataksil ay nakarating kay Judas. Tinawag niya ang mga pinuno, at ang mga nagtaksil ay isinakdal niya sa kasalanang pagbibili ng mga kababayan sapagkat pinatakas nila ang mga kaaway para maipagpatuloy ang paglaban sa kanila. 22 Ipinapatay niya ang mga taksil, at sinalakay agad ang dalawang tanggulan. 23 Nagtagumpay na naman siya, at sa dalawang tanggulang iyon ay mahigit na dalawampung libong kaaway ang kanilang napatay.
Tinalo ni Judas si Timoteo
24 Si Timoteo ay minsan nang natalo ng mga Judio. Kaya't upang makaganti, nagtipon siya ng isang malaking hukbo ng upahang kawal. Kabilang din ang isang malaking hukbong nakakabayo mula sa Asia. Nang handa na ang lahat, umalis sila para salakayin ang Judea. 25 Habang papalapit ang mga kaaway, si Judas at ang kanyang pangkat naman ay nanalangin sa Diyos. Nagdamit sila ng panluksa, naglagay ng abo sa ulo, 26 at nagpatirapa sa harap ng altar. Hiniling nila na kahabagan sila ng Panginoon at tulungan sa paglaban sa kanilang kaaway, gaya ng ipinangako niya sa Kautusan.
27 Pagkatapos manalangin, kinuha nila ang kanilang mga sandata, lumabas ng lunsod, at humimpil kinagabihan sa pook na malapit sa mga kaaway. 28 Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan. 29 Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio. 30 Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak. 31 Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.
32 Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas. 33 Apat na araw itong kinubkob nina Judas. 34 Palibhasa'y matibay ang tanggulan, ang mga kawal na nagtatanggol nito ay sumigaw ng mga panlalait sa mga Judio at sa Diyos. 35 Sa galit ng mga tauhan ni Judas, nang nagbubukang-liwayway na noong ikalimang araw, dalawampu sa kanila ang buong tapang na pumasok sa tanggulan at sinumang makasalubong na kaaway ay pinapatay. 36 Ang iba nama'y lumigid at doon umakyat sa likuran. Sinigaan nila ang mga tore at sinunog ang mga nanlalait na kaaway. Winasak naman ng iba ang pinto at nakapasok ang mga kawal na nasa labas pa ng lunsod. 37 Si Timoteo, na nagtago sa isang balon, ay napatay kasama ang kapatid niyang si Quereas at isa pang nagngangalang Apolofanes.
38 Sa pagtatagumpay na ito, sina Judas ay nagpasalamat sa Panginoon. Umawit sila ng mga awit ng pasasalamat dahil kinahabagan niya ang Israel at pinagtagumpay sila.
+ 10:10 1 Mcb. 6:17.