9
Pinarusahan ng Panginoon si Antioco
(1 Mcb. 6:1-7; 2 Mcb. 1:11-17)
1 Nang panahong iyo'y nabigo rin si Antioco at umalis sa Persia. Ganito ang pangyayari:
2 pinasok ni Antioco ang lunsod ng Persepolis at tinangkang pagnakawan ang templo at sakupin ang lunsod, ngunit ang mga mamamaya'y kumilos agad. Nagtanggol silang mabuti at nagapi nila ang pumasok na kaaway. Walang nagawa si Antioco kundi tumakas dahil sa kahihiyan.
3 Dumating siya sa Ecbatana, at nabalitaan niya doon ang nangyari kay Nicanor at sa pangkat ni Timoteo.
4 Sa laki ng galit, binalak niyang gumanti sa mga Judio dahil sa masaklap na pagkatalo. Kaya't iniutos niya sa nagmamaneho ng kanyang karwahe na huwag titigil hangga't hindi sila dumarating sa Jerusalem. Sa kanyang kahambuga'y sinabi niya, “Pagdating ko sa Jerusalem, gagawin ko itong libingan ng lahat ng Judio!” Ngunit hindi niya alam na patungo na siya sa parusang itinakda ng Diyos.
5 Pagkasabing-pagkasabi nito ay pinarusahan siya ng Diyos ng Israel na nakakaalam ng lahat ng bagay. Dinapuan siya ng sakit na walang lunas at namilipit sa matinding sakit ng tiyan.
6 Ang parusang ito'y angkop lamang sa nakakahindik na pagpapahirap na ginawa niya sa mga Judio.
7 Subalit sa halip na magpakumbaba sa sinapit na ito, lalo siyang naging palalo. Galit na galit siyang nagbabanta laban sa mga Judio, at iniutos na pabilisin pa ang takbo ng karwahe. Sa bilis ng takbo ng sasakyan, tumilapon siya at nalamog ang kanyang buong katawan.
8 Kaya't si Antioco, na ang akala sa sarili'y hindi siya karaniwang tao, at nag-akala rin na mauutusan niya ang alon sa dagat at matitimbang ang matataas na bundok, ay bumagsak sa lupa at kinailangang buhatin na nakahiga. Maliwanag na nahayag dito ang kapangyarihan ng Diyos.
9 Inuod ang kanyang katawan at dumanas siya ng napakatinding paghihirap. Nabulok na ang kanyang laman kahit buháy pa siya, anupa't ang buong hukbo ay nasusuka dahil sa kanya.
10 Dahil sa baho ay wala nang lumapit upang dalhin siya kung saan niya gusto. Ito ang taong dati'y naniniwalang maaabot niya ang mga bituin sa langit.
Nangako sa Diyos si Antioco
(1 Mcb. 6:8-17)
11 Sa tindi ng hirap, nagpakumbaba rin siya sa wakas. Sa gitna ng pagpaparusang iyon ng Diyos at sa hirap na kanyang dinaranas, unti-unti niyang nakita ang liwanag.
12 Nang hindi na siya makatagal sa sariling baho, nasabi niya ang ganito: “Matuwid na ang tao'y pasakop sa Diyos at ang sarili'y hindi dapat ipantay sa kanya.”
13 Ang masamang taong ito'y nangako sa Panginoon, ngunit hindi na siya kinahabagan.
14 Nangako siya na sa halip na wasakin ang banal na lunsod at gawing libingan gaya ng binabalak niya noon, ay palalayain niya ito.
15 Dati, ang palagay niya sa mga Judio kung namamatay ay di na dapat ilibing kundi itapon na lamang ang bangkay nila at ng kanilang mga anak para kainin ng mga buwitre at mababangis na hayop. Ngunit ngayon, nangako siyang ipapantay sa mga taga-Atenas ang kanyang pagtingin sa mga Judio.
16 Nangako rin siyang pupunuin ng pinakamagagandang handog ang templong niyurakan niya, at ibabalik doon ang inalis na mga banal na kasangkapan at dadagdagan pa niya ang mga iyon. Ang lahat ng magugugol sa paghahandog ay ipinangakong kukunin sa sarili niyang kaban.
17 At hindi lamang ito, nangako pa siya na magiging Judio at kahit saa'y ipapahayag niya ang kapangyarihan ng Diyos.
18 Subalit huli na ang lahat! Dumating na kay Antioco ang angkop na parusa sa kanya, kaya't patuloy ang kanyang paghihirap at wala siyang makamtang ginhawa kahit kaunti man. Nang nawawalan na siya ng pag-asa, sumulat siyang nakikiusap sa mga Judio:
19 “Pinagpipitagan kong mga mamamayang Judio, akong si Antioco na inyong hari ay bumabati sa inyo. Hangad ko ang inyong kalakasan at kasaganaan.
20 “Kung kayo at ang inyong mga pamilya ay nasa mabuting kalagayan, at natatamo ang nais ninyo sa buhay, ako'y nagagalak. Ang aking pag-asa'y inilagak ko na sa langit, at naaalala ko ang inyong pagdamay, pagpapahalaga at mabuting layunin para sa akin.
21 “Dumating sa akin ang karamdamang taglay ko ngayon nang ako'y pabalik buhat sa Persia kaya't naisip ko na dapat akong gumawa ng hakbang para sa kapakanan ninyong lahat.
22 Hindi ito nangangahulugang nababahala ako sa aking kalagayan. Malaki pa ang pag-asa kong ako'y gagaling.
23 Ngunit naaalala ko ang ginagawa ng aking ama noong araw, tuwing pupunta siya sa silangan ng Eufrates. Pumipili agad siya ng kahalili
24 upang kung may mangyaring hindi inaasahan, alam na agad ng mga tao kung sino ang mamamahala sa kanila. Sa gayon, hindi sila mababahala.
25 Ang isa pa, alam kong ang mga kaharian sa paligid natin ay laging nag-aabang sa anumang mangyayari. Dahil dito, inilalagay kong kapalit ang aking anak na si Antioco bilang hari, kung saka-sakaling may mangyari sa akin. Siya ang aking pinagkakatiwalaan at laging ipinagmamalaki sa inyo na hahalili sa akin tuwing ako'y biglaang umaalis para dumalaw sa mga karatig na lalawigan. Padadalhan ko rin siya ng isang sipi ng sulat na ito.
26 Nakikiusap ako na sana'y panatilihin ninyo ang mabuting pakikisama ninyo sa akin at sa aking anak, at alalahanin ang mga kabutihang ibinabahagi ko sa inyo, hindi lamang sa bawat isa sa inyo kundi sa buong bansa.
27 Nananalig akong susundin ng aking anak ang mga patakaran ko sa pamamahala at magiging maunawain siya at mabait sa pakikitungo sa inyo.”
28 At namatay nga si Antioco, ang mamamatay-tao at manlalait sa Diyos. Namatay siyang naghihirap, tulad ng paghihirap na tiniis ng iba dahil sa kagagawan niya. Kahabag-habag ang pagkamatay niya sa kabundukan ng ibang bansa.
29 Ang nag-uwi ng bangkay niya ay ang matalik niyang kaibigang si Felipe. Ngunit sa takot nito sa bagong hari, umalis agad at nagpunta sa Egipto, kay Tolomeo Filometor.