8
Naghimagsik si Judas Macabeo
(1 Mcb. 3:1-26)
1 Si Judas Macabeo at ang kanyang mga kaibigan ay lihim na nagpunta sa mga bayan. Inisa-isa nila ito hanggang sa sila'y makatipon ng anim na libong kababayan na nananatiling tapat sa pananampalatayang Judio.
2 Nanalangin sila sa Panginoon na kahabagan ang mga tao, lalo na ang mga pinahihirapan sa lahat ng dako. Hiniling din nilang kahabagan ang Templo na nilalapastangan ng mga taong hindi kumikilala sa tunay na Diyos.
3 Idinalangin din nilang kaawaan ang lunsod na winasak at pinaguho ng mga Hentil, at pakinggan ang daing ng mga patay na humihinging ipaghiganti ang kanilang kaapihan.
4 Nagsumamo sila sa Diyos na alalahanin ang walang katarungang pagpatay sa mga walang malay na sanggol at ang paglait sa pangalan niya, at tuloy ipadama ang kanyang pagkamuhi sa kasamaan.
5 Nang mabuo ang pangkat ni Judas, ito'y napakalakas, anupa't hindi makayang labanan ng mga Hentil, sapagkat ang dating galit ng Diyos ay naging pagkahabag sa mga Judio.
6 Walang anu-ano'y sumalakay na lamang sina Judas sa mga bayan at nayon at sinunog ang mga ito. Nakuha nila ang mahahalagang kuta ng kaaway at marami sa mga naroroon ang tumakas.
7 Madalas ay sa gabi sila lumulusob, sapagkat dito sila lalong nagtatagumpay. Ang katapangan ni Judas ay napabalita sa lahat ng dako.
Ang Balak na Paglipol sa mga Judio
(1 Mcb. 3:38-41)
8 Nabalitaan ni Felipe na gobernador ng Jerusalem ang madalas na pagtatagumpay ni Judas sa iba't ibang dako, kaya't sumulat siya kay Tolomeo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia, upang tulungan siyang pangalagaan ang kapakanan ng hari.
9 Tinawag agad ni Tolomeo si Nicanor na anak ni Patroclo at isa sa mga malapit na kaibigan ng hari. Binigyan siya ng 20,000 kawal buhat sa iba't ibang bansa para lipulin ang mga Judio. Pinasama rin si Gorgias, isang bihasang kawal at batikang mandirigma, bilang pangalawang pinuno.
10 Ang hangad ni Nicanor ay malikom ang halagang 70,000 kilong pilak upang ipambayad sa pagkakautang ng hari sa mga taga-Roma. Balak niyang ipagbili bilang alipin ang mga Judiong mabibihag niya.
11 Hindi pa ma'y ipinamalita na niya sa mga lunsod sa baybaying-dagat na hindi mag-aatubiling magbenta ng siyamnapung alipin sa halagang 35 kilong pilak. Wala siyang kamalay-malay sa parusang itinakda na ng Diyos para sa kanya.
Nalaman ni Judas ang Balak ni Nicanor
(1 Mcb. 3:42-54)
12 Nabalitaan ni Judas na papalapit na para sumalakay si Nicanor at ang kanyang hukbo, at ipinaalam niya ito sa kanyang mga tauhan.
13 Ang mga duwag at kulang ang pagtitiwala sa Diyos ay humiwalay sa kanya at tumakas.
14 Ngunit ipinagbili ng iba ang nalalabi nilang ari-arian at nakiusap sa Diyos na iligtas sila kay Nicanor, sapagkat hindi pa man sila naglalaban ay tiniyak nang ipagbibili sila.
15 Hiniling nila sa Panginoon na gawin ito—kung hindi man para sa kanila ay alang-alang sa mga tipang ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at sapagkat tinawag niya sila upang maging kanyang bansa.
16 Tinipon nga ni Judas ang kanyang 6,000 tauhan at pinalakas ang loob nila. Sinabi niyang huwag silang mababahala ni matatakot man sa maraming Hentil na wala namang dahilan para salakayin sila, manapa'y lakas-loob na lumaban,
17 at alalahanin ang mga pagmamalabis ng mga Hentil sa Templo at sa banal na Lunsod, pati ang pagyurak sa matandang kaugaliang minana nila sa kanilang mga ninuno.
18 “Ang pinananaligan nila'y ang kanilang sandata at lakas,” wika ni Judas, “ngunit tayo'y sa Makapangyarihang Diyos nagtitiwala. Sa isang tango lamang ay maaari niyang wasakin hindi lamang ang sumasalakay sa atin kundi maging ang buong daigdig.”
19 Ipinaalala rin niya kung paano tinulungan ng Diyos ang kanilang mga ninuno, lalo na nang panahon ni Senaquerib nang 185,000 kawal nito ang pinatay ng Panginoon.
20 Ipinagunita rin niya ang nangyari sa Babilonia nang 8,000 Judio ang tumulong sa 4,000 taga-Macedonia laban sa 120,000 taga-Galacia. Sa tulong ng Diyos, nalupig nila ang mga taga-Galacia, at marami pa silang nasamsam.
Tinalo ni Judas si Nicanor
(1 Mcb. 3:55–4:27)
21 Sa ganitong mga pangungusap ni Judas ay lumakas ang loob ng kanyang mga tauhan at humanda silang ihandog ang kanilang buhay para sa Kautusan at sa bansa. Hinati ni Judas ang kanyang hukbo sa apat na pangkat.
22 Bawat pangkat ay may 1,500 katao at pinamumunuan ng isa sa kanilang magkakapatid; siya at sina Simon, Jose at Jonatan ay may kanya-kanyang pangkat.
23 Inutusan niya si Eleazar na basahin nang malakas ang banal na aklat at ibinigay sa kanyang mga tauhan ang sigaw na pandigma, “Tutulungan tayo ng Diyos!” Ang pangkat niya ang nanguna sa paglusob laban kay Nicanor.
24 Sa tulong ng Makapangyarihang Diyos, napatay nila ang mahigit na 9,000 kaaway. Marami ang sugatan; tumakas naman ang iba.
25 Sinamsam nila ang salaping dala ng mga taong bibili sana ng mga bihag na Judio. Tinugis nila ang tumakas na mga kaaway,
26 ngunit hindi na nila hinabol nang tuluyan sapagkat gumagabi na. Ang isa pang dahilan ay bisperas na ng Araw ng Pamamahinga, kaya hindi na nila ipinagpatuloy ang pagtugis.
27 Bago dumating ang Araw ng Pamamahinga, natipon na nilang lahat ang mga sandata at ari-arian ng mga kaaway, kaya't masiglang-masigla silang nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon, sapagkat nagpakita siya ng pagkahabag, at sa tulong niya ay sinapit nila ang araw na iyon na pawang mga buháy pa.
28 Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, ang ibang mga samsam nila'y ipinamahagi sa mga biktima ng pag-uusig, sa mga balo at mga ulila. Ang natira'y ipinamahagi sa kanilang mga pamilya.
29 Pagkatapos, sama-sama silang nanalangin, at hiniling sa Diyos na sila'y kahabagan at lubusang ibalik sa kanila na kanyang mga lingkod ang dati nilang kaugnayan sa kanya.
Tinalo ni Judas sina Timoteo at Baquides
30 Nagkasagupa ang mga Judio at ang hukbo nina Timoteo at Baquides. Sa labanang iyo'y 20,000 kaaway ang napatay nila at naagaw pa nila ang ilang matataas na tanggulan. Tulad ng dati, hinati nila ang kanilang mga nasamsam, ang kalahati ay para sa kanila at ang kalahati'y para sa mga pinag-usig, mga balo at ulila at sa matatanda.
31 Tinipon din nila ang mga sandata ng kaaway at itinago sa mga piling lugar upang madaling makuha kung kakailanganin. Ang iba pang ari-ariang nasamsam ay dinala nila sa Jerusalem.
32 Pinatay nila ang pinuno ng hukbo ni Timoteo, isang taong ubod ng sama at nagpahirap nang labis sa mga Judio.
33 Ipinagdiwang nila sa kanilang lunsod ang kanilang pagtatagumpay. Sa pagdiriwang na iyo'y sinunog nila ang mga taong sumunog sa mga pintuan ng Templo. Isa sa mga iyon ay si Calistenes na nagtago sa isang maliit na bahay. Sa kanyang sinapit, tinanggap niya ang parusang nauukol sa ginawa niyang kasamaan.
34 Ang kasumpa-sumpang si Nicanor na sa kahambuga'y nagsama ng sanlibong mangangalakal para bumili ng mga aliping Judio,
35 ay nabigo at napahiya sa mga taong kanyang hinamak ngunit tinulungan naman ng Panginoon. Dala ng kahihiyan, hinubad niya ang kanyang maharlikang kasuotan at mag-isang tumakas na parang takas na alipin. Doon siya nagtago sa Antioquia. Nagtagumpay lamang siya sa pagwasak sa sarili niyang hukbo.
36 Iyan ang lalaking nagtangkang bumihag sa mga Judio para ipagbili, at ibayad ang pinagbilhan sa mga taga-Roma. Siya ang nagpatotoo na ang mga Judio'y may makapangyarihang Tagapagtanggol. Hindi sila maaaring magapi sapagkat sumusunod sila sa mga kautusang ibinigay niya.