7
Ang Mag-iinang Naging Martir
1 Sa isa namang pagkakataon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila'y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Kautusan.
2 Isa sa mga anak ang nangahas tumayo at nagsalita, “Ano ba ang nais ninyong mangyari sa pagpapahirap sa amin? Matamis pa sa amin ang mamatay kaysa lumabag sa mga kautusan ng aming mga ninuno!”
3 Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa.
4 Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid.
5 Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buháy pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa,
6 “Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, ‘Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.’ ”
7 Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, “Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?”
8 Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, “Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!” Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay.
9 Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”
10 Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay.
11 Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.”
12 Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.
13 Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan.
14 Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”
15 Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid.
16 Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, “Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa.
17 Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi.”
18 Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: “Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito.
19 Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos.”
20 Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunud-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon.
21 Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya:
22 “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay.
23 Ang lumikha ng buong sansinukob ang siya ring lumikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, sapagkat hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan.”
24 Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pagyurak sa kanya, kaya't sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikuran ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin ito at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari.
25 Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya't nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito'y mabuhay.
26 Sa kahihimok ng hari, napahinuhod ang ina na kausapin ang anak.
27 Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, “Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita at inaruga hanggang ngayon.
28 Masdan mo ang kalangitan at ang daigdig at lahat ng bagay na naroon. Alam mong ang lahat ng iyan ay hindi nilikha ng Diyos mula sa mga bagay na naririto, tulad din naman ng sangkatauhan.
29 Huwag kang matakot sa berdugong ito. Ipakita mong karapat-dapat ka sa iyong mga kapatid na nagdusa hanggang kamatayan, upang sa muling pagkabuhay ay makapiling kita kasama nila.”
30 Hindi pa man natatapos magsalita ang ina, sinabi ng anak, “Ano pang iyong hinihintay, Haring Antioco? Hindi ko susundin ang utos mo; ang susundin ko'y ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises!
31 Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng pagpapahirap na ito sa mga Judio! Ngunit tandaan mo: hindi ka makakatakas sa parusa ng Diyos!
32 Oo nga't naghihirap kami ngayon sapagkat kami'y makasalanan. Ipinahihintulot lamang ito ng Diyos sapagkat itinutuwid niya ang aming buhay.
33 Hindi ito magtatagal at mababalik na muli ang kanyang pagtingin sa aming lahat na mga lingkod niya.
34 Ngunit ikaw na ubod ng sama sa lahat ng tao ay huwag umasa sa wala, ni masilaw sa kinang ng katanyagan sa ginagawa mong pagpapahirap na ito sa mga anak ng Diyos!
35 Hindi ka makakaiwas sa hatol ng Makapangyarihang Diyos na nakakakita ng lahat.
36 Tiniis ng mga kapatid ko ang iyong pagpaparusa alang-alang sa tipan ng Diyos ngunit ngayo'y natamo nila ang buhay na walang hanggan. Ikaw na ubod ng yabang ay tatanggap ng parusang nauukol sa iyo.
37 Tulad ng mga kapatid ko, inihahandog ko rin ang aking sarili, ang aking buhay, alang-alang sa utos ng Diyos na sinusunod ng aming mga ninuno. Idinadalangin kong kahabagan nawa ng Diyos ang aming bansa sa lalong madaling panahon, at danasin mo naman ang kahirapan at kaparusahan niya upang kilalanin mong siya lamang ang Diyos.
38 Sa sinapit naming magkakapatid, maglubag nawa ang galit ng Makapangyarihan sa aming bansang nagtitiis ngayon alinsunod sa makatarungan niyang kalooban.”
39 Nang marinig ito ng hari, lalong nag-ibayo ang kanyang galit, at pinarusahan siya nang lalo pang mabigat kaysa sa mga nauna.
40 Namatay siyang lubos na nagtitiwala sa Diyos at hindi sumusuway sa kanyang mga utos.
41 Matapos mamatay ang pitong anak ay pinatay naman ang ina.
42 Sapat na ito tungkol sa mga Judiong pinahirapan at pinilit na kumain ng mga bituka ng inihandog na hayop.