6
Nilapastangan ang Templo at Inusig ang mga Judio
1 Hindi nagtagal, naisipan ni Haring Antioco na pilitin ang mga Judio na iwaksi ang kanilang mga kaugalian at relihiyon. Isinugo niya ang isang matandang taga-Atenas para ipatupad ito;
2 inutusan pa itong lapastanganin ang templo sa Jerusalem at italaga ito sa diyus-diyosang si Zeus ng Olimpo. Ang templo namang nasa Bundok ng Gerizim ay tinawag na “Templo ni Zeus, ang Diyos na Mapagmalasakit sa mga Banyaga,” alinsunod sa mga kahilingan ng mga mamamayan doon.
3 Lalo namang lumaganap ang kasamaan at pang-aapi na halos ay hindi na makayang tiisin ninuman.
4 Ginamit ng mga Hentil ang loob ng templo para maglasingan at magpasasa sa kahalayan. Kumuha sila ng masasamang babaing aaliw sa kanila at kahit sa banal na pook ay nagtatalik sila. Maging mga bagay na ipinagbabawal ihandog ay dinadala sa templo,
5 anupa't ang altar ay nasalaula ng mga handog na itinuturing na nakakapandiri ayon sa Kautusan.
6 Dahil dito, hindi na maipangilin ng mga Judio ang Araw ng Pamamahinga at ang mga katutubong pista; ni ayaw aminin ng isang Judio na siya nga'y Judio.
7 Bawat buwan ay ipinagdiriwang ang kaarawan ng hari, at sa pagkakataong ito'y sapilitang pinapakain ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan. Sa kapistahan naman ng diyus-diyosang si Dionisio, hindi maaaring hindi sila sasama sa prusisyon na nakakorona ng dahon ng yedra.
8 Dahil sa payo ni Tolomeo, nahimok ang hari na iutos sa iba pang mga lunsod na Griego na sapilitan ding pakainin ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan at piliting makiisa sa pamumuhay Griego.
9 Iniutos ding ang lahat ng ayaw makiisa sa pamumuhay Griego ay patayin. Maliwanag na marami pang kasamaan ang mangyayari.
10 Halimbawa, dalawang ina ang minsa'y pinarusahan dahil tinuli nila ang kanilang bagong silang na mga anak. Ibinitin sa kanilang dibdib ang mga bata at ipinarada sila sa lunsod. Pagkatapos, iniakyat sila sa pinakamataas na tore at saka inihulog mula roon.
11 Minsan naman, mayroong mga nagtago sa mga yungib para lamang makasamba sa Diyos sa Araw ng Pamamahinga. May nagsumbong kay Felipe tungkol dito, kaya't sila'y hinuli at sinunog. Sa laki ng paggalang nila sa Araw ng Pamamahinga, hindi na nila inisip na ipagtanggol ang sarili.
Nagparusa ang Panginoon
12 Sa sinumang bumabasa ng aklat na ito, ang pakiusap ko'y huwag masisiraan ng loob. Isipin lamang ninyo na ito'y paraan ng Panginoon upang disiplinahin at sa gayo'y ituwid ang kanyang bansa, at hindi upang ganap na wasakin ito.
13 Sa katunayan, ang agarang pagpaparusa sa makasalanan sa halip na pagtagalin pa sila sa gayong katayuan ay pagpapakita ng habag.
14 Sa ibang bansa'y hindi ganito ang pakikitungo ng Panginoon—matiyaga siyang naghihintay hanggang sa sumapit sa sukdulan ang kanilang kasalanan, saka siya nagpaparusa.
15 Ngunit tayo'y kanyang pinaparusahan agad bago umabot sa sukdulan ang ating mga kasalanan.
16 Lagi niya tayong kinahahabagan, at kung tayo ma'y nakakaranas ng iba't ibang kahirapan, hindi nangangahulugang tayo'y nililimot niya o pinababayaan.
17 Itong mga sinabi ko'y isa lamang paalala. Ngayon, ipagpatuloy natin ang kasaysayan.
Naging Martir si Eleazar
18 Noong panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito.
19 Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya.
20 Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.
21 Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya't dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakainin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakainin.
22 Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.
23 Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalala niyang sapul pagkabata'y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya't sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din.
24 Sa gulang kong ito'y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikuran ang aking relihiyon!
25 Kung ako'y magtataksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan.
26 Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makakaiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat.
27 Kaya't tatanggapin ko na ngayon ang marangal na kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan.
28 Sa gayon, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan—ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”
Matapos niyang sabihin ito, pumunta agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya.
29 Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila'y kaululan lamang ang mga sinabi niya.
30 Kaya't ginulpi nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito'y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking paggalang sa kanya.”
31 Namatay nga si Eleazar, ngunit siya'y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa katapangan at di malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.