13
Pinatay si Menelao
Nang taóng 149, nabalitaan ni Judas na lulusubin ni Antioco Eupator ang Judea kasama ang isang malaking hukbo. Kasama rin niya si Lisias, na kanyang guro at tagapamahala ng kaharian. Bawat isa ay namuno sa hukbong binubuo ng mga kawal Griego: 110,000 sundalo, 5,300 mangangabayo, dalawampu't dalawang elepante at 300 karwahe na may matatalas na karit sa gulong.
Sumama sa pagsalakay si Menelao, at sinulsulan si Antioco na huwag titigilan ang pagsalakay. Ginawa niya ito hindi dahil sa bayan kundi dahil sa hangad niyang maging Pinakapunong Pari. Ngunit siya'y nabigo, sapagkat ginalit ng Diyos na Hari ng mga hari si Antioco laban kay Menelao. Nalaman ng hari mula kay Lisias na si Menelao ang dahilan ng mga kaguluhang iyon, kaya't iniutos niyang dalhin ito sa Berea at patayin ayon sa kaugalian doon. Sa lunsod na iyo'y may isang tore na mahigit dalawampu't dalawang metro ang taas at halos puno ng abo. Mula sa itaas nito pababa at sa taluktok ng tore ay may platapormang hugis imbudo. Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito. Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing. Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.
Ang Labanan sa Modein
Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama. 10 Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo. 11 Hiniling nila na ang kanilang bansa na bago pa lamang nababalik sa dati ay huwag na sanang mahulog sa mga kamay ng mga mapanlait na Hentil na hindi kumikilala sa Diyos. 12 Nagkakaisa silang dumulog sa mahabaging Diyos at tatlong araw na nagpatirapa, dumadalangin at walang tigil ng pag-iyak at pag-aayuno. Nang matapos ito, pinalakas ni Judas ang loob ng bawat isa, at sinabing humanda sila para sa anumang mangyayari.
13 Pagkatapos, pinulong niya ang mga matatandang pinuno ng bayan at ipinasyang sa tulong ng Diyos ay lalabas sila at haharapin ang kaaway na hari bago ito sumalakay sa Judea at masakop ang lunsod. 14 Ang kapalaran nila'y ipinagkatiwala na nila sa Lumikha ng daigdig. Hinikayat ni Judas ang mga tauhan niya na lumaban hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanilang mga kautusan, sa Templo, sa lunsod, sa bayan, at sa kanilang uri ng pamumuhay. Pagkatapos, lumakad sila at humimpil malapit sa Modein. 15 “Sa Diyos ang tagumpay!” ang sigaw na pandigmang ibinigay ni Judas sa kanyang mga tauhan. Nang gabing iyon, sinalakay ng isang pangkat ng mga pili niyang tauhan ang kampo ng hari, at 2,000 kaaway ang kanilang napatay agad. Pati ang pangunahing elepante at ang sakay nito ay napatay rin nila. 16 Sa ginawa nilang ito, naghari ang takot at pagkalito sa kampo ng mga kaaway, kaya't matagumpay silang nagbalik 17 bago pa lamang nababa ang araw sa silanganan. Nangyari ang lahat ng ito sa tulong at pagkalinga ng Panginoon.
Nakipagkasundo si Antioco V
(1 Mcb. 6:48-63)
18 Sa nasaksihang tapang ng mga Judio ay napag-isip-isip ng hari na dapat siyang gumawa ng mas mabuting paraan para magapi sila. 19 Sinalakay niya ang Beth-sur, isang matibay na tanggulan ng mga Judio. Ngunit hindi siya nakapasok; nagapi siya at naitaboy. 20 Nagpadala si Judas ng mga pangangailangan ng mga nagtatanggol ng tanggulan, 21 ngunit may isang Judio sa hukbo roon na naging kasangkapan ng kaaway. Ito'y si Rodoco na nagbunyag sa kaaway ng mga lihim militar. Ngunit nalaman ito, kaya't siya'y hinuli at ibinilanggo. 22 Sinubukan ni Haring Antioco na makipag-ugnay sa mga taga Beth-sur. Nagkaroon nga sila ng kasunduan at siya'y umurong. Sinalakay niya uli si Judas at ang mga tauhan nito ngunit natalo na naman siya. 23 Samantala, si Felipe, na iniwan niyang mamahala sa Antioquia, ay naghimagsik, at ito'y nakarating kay Antioco. Hindi malaman ni Antioco ang gagawin, kaya't nakipagkasundo siya sa mga Judio at sumang-ayon sa kanilang kagustuhan. Nangako rin siyang igagalang ang karapatan ng mga ito. Bilang katibayan, naghandog siya sa dambana at nagkaloob pa ng malaking halaga bilang tanda ng kanyang paggalang. 24 Malugod niyang tinanggap si Judas at hinirang si Hegemonides bilang gobernador ng lupain mula sa Tolemaida hanggang Gerar. 25 Tumuloy siya sa Tolemaida. Ang mga tagaroo'y tutol sa kanyang ginawang kasunduan at nais nilang ito'y pawalang-bisa. 26 Sa gitna ng ganoong pagtutol, tumayo si Lisias sa plataporma at ipinagtanggol ang kasunduan sa abot ng kanyang makakaya. Sa kanyang magandang paliwanag, mapayapa pa niyang napasang-ayon ang mga mamamayan. Nakuha niya ang kanilang pagtitiwala, kaya't umuwi na siya sa Antioquia.
Sa ganitong paraan, ang paglusob ng hari ay nauwi sa pag-atras.