14
Nagsalita si Alcimo Laban kay Judas
(1 Mcb. 7:1-21)
Pagkalipas ng tatlong taon, nalaman ni Judas at ng mga tauhan nito na si Demetrio, kaanak ni Seleuco ay nagdala ng isang malaking hukbong-lakad at hukbong-dagat na pumasok sa daungan ng Tripolis. Nalaman niyang nakuha nito ang lupaing iyon matapos mapatay si Antioco at si Lisias.
May isang dating Pinakapunong Pari na ang pangala'y Alcimo na nakikiisa sa pamumuhay Griego noong panahon ng paghihimagsik. Alam niyang sa ginawa niyang ito'y hindi siya mababalik bilang Pinakapunong Pari, at dahil galit ang mga Judio sa kanya, nabahala siya. Kaya't naisipan niyang lumapit kay Haring Demetrio. Noo'y taóng 151. Nagdala siya ng isang gintong korona at mga sanga ng palma at olibo buhat sa Templo at inihandog ito sa hari. Ngunit wala siyang sinabing anuman tungkol sa kanyang mga binabalak. Dumating ang isang magandang pagkakataon na matupad ang masama niyang binabalak nang anyayahan siya ni Demetrio sa isang pulong ng konseho upang hingan ng kuru-kuro tungkol sa mga binabalak ng mga Judio.
Ganito ang kanyang sinabi: “Ang mga Judiong tinatawag na Hasideano at pinamumunuan ni Judas Macabeo ay mapanghimagsik. Sila ang nagsusulsol ng pagrerebelde kaya laging magulo sa kaharian. Iyan nga po ang dahilan kaya ako naparito at iniwan ko ang aking marangal na tungkulin bilang Pinakapunong Pari. Nais kong ipadama sa inyo ang aking pagmamalasakit sa inyong kapakanan; pangalawa, alang-alang na rin ito sa aking mga kababayan. Alam po ninyo, ang aming bansa'y labis na naghihirap dahil sa mga taong aking binanggit sa inyo. Pagkatapos ninyong siyasatin ang mga bagay na ito, ayon sa inyong kagandahang-loob na iniuukol sa lahat, gawin po ninyo mahal na hari, kung ano ang makakabuti sa aming bansa at sa mga mamamayang naghihirap. 10 Maniwala po kayo na hanggang buháy si Judas, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.”
Isinugo si Nicanor Para Salakayin si Judas
11 Matapos masabi ni Alcimo ang lahat ng ito, ang ibang mga kaibigan ng hari na galit din kay Judas ay nagsulsol sa hari upang lalong mag-ibayo ang galit nito. 12 Dahil dito, mabilis na kumilos ang hari. Pinili niya agad si Nicanor, ang pinuno ng pangkat na nakasakay sa mga elepante, at ginawa itong gobernador ng Judea. Pinapunta agad ito doon 13 para patayin si Judas, lansagin ang pangkat nito, at ibalik si Alcimo sa tungkulin bilang Pinakapunong Pari sa Templong pinakadakila sa buong daigdig. 14 Lahat ng mga Hentil na namamayan sa Judea, pawang mga takas dahil sa walang humpay na paglusob ni Judas, ay nakiisa at tumulong kay Nicanor. Naniniwala sila na ang kabiguan at paghihirap ng mga Judio ay ikabubuti nila.
15 Ang+ pagdating ni Nicanor at ang pagsama sa kanya ng maraming Hentil ay ikinabahala ng mga Judio. Kaya't naglagay silang muli ng abo sa kanilang ulo at nanalangin sa Diyos na siyang pumili sa kanila upang maging kanya at hindi nagpapabaya sa kanila sa panahon ng kagipitan. 16 Sa isang salita ni Judas, lahat ay lumabas agad para harapin ang mga kaaway na nasa nayon ng Desau. 17 Si Simon na kapatid ni Judas, at si Nicanor ay nagsagupa, ngunit naging hadlang ang biglang pagdating ng mga kaaway. 18 Gayunman, binagabag si Nicanor ng napabalitang tapang ni Judas at ng kanyang hukbo sa pakikipaglaban alang-alang sa kanilang bayan. Nag-atubili siyang makipagtuos sa pamamagitan ng lakas. 19 Ipinasya niyang isugo sina Posidonio, Teodoto at Matatias upang makipagkasundo.
20 Matagal nilang tinalakay ang mga kondisyon at nang magkasundo, ang bawat pinuno ay nagpaliwanag sa kanya-kanyang pangkat. Lahat ay sumang-ayon sa kasunduan. 21 Ang mga pinuno ay nagtakda ng isang araw para mag-usap na muli. Inihandang mabuti ang lugar na pagdarausan ng pulong. Bawat panig ay nagpadala ng karwahe at naglagay ng upuan doon. 22 Bilang pag-iingat, naglagay si Judas ng mga sandatahang tauhan niya sa mga lugar na kailangan para nakahanda sila kung sakaling gumawa ng kataksilan ang kaaway. Ngunit naging maayos at mapayapa naman ang pagpupulong ng dalawa. 23 Nang matapos ang pagpupulong, nanatili si Nicanor sa Jerusalem. Hindi siya sumira sa kasunduan. Umiwas siya sa mga karaniwang mamamayan 24 na laging dumudulog sa kanya. Ngunit naging napakalapit niya kay Judas, at naging mabuti silang magkaibigan. 25 Pinayuhan ni Nicanor si Judas na mag-asawa na ito para magkaanak. Nag-asawa nga si Judas at namuhay na gaya ng pangkaraniwang mamamayan.
Nasira ang Pagkakaibigan nina Judas at Nicanor
26 Napansin ni Alcimo ang magandang samahan nina Judas at Nicanor at hindi niya ito ikinasiya. Kaya't kumuha siya ng sipi ng kasunduan at dinala kay Haring Demetrio. Siniraan niya si Nicanor at sinabing ito'y nakipagkasundo kay Judas para ibagsak ang pamahalaan at itinakda nang ito ang kanyang makakahalili. 27 Naniwala naman ang hari sa ulat ng taksil, kaya't nagsiklab siya sa galit. Sumulat ito kay Nicanor tungkol sa kasunduan at sinabing hindi siya nasisiyahan sa ginawang kasunduan at sa lalong madaling panahon ay dalhing bilanggo sa Antioquia si Judas.
28 Nang matanggap ni Nicanor ang sulat na ito, nanlumo siya at hindi malaman ang gagawin, sapagkat ayaw niyang sumira sa kasunduang ginawa niya sa isang taong wala namang ginagawang labag sa kasunduan. 29 Ngunit hindi niya maipagwawalang-bahala ang utos ng hari, kaya't naghintay siya ng magandang pagkakataon para ito'y maisagawa. 30 Samantala, nahahalata ni Judas na nanlalamig ang pakikisama ni Nicanor sa kanya, at alam niyang ito'y isang masamang tanda. Kaya't tinipon niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nagtago.
31 Napahiya+ si Nicanor dahil napaglalangan siya ni Judas, kaya't pumasok siya sa dakila at banal na Templo, at pinilit ang mga pari na isuko nila si Judas. Noo'y naghahandog ng pangkaraniwang handog ang mga pari. 32 Sumumpa ang mga ito na hindi nila nalalaman kung nasaan si Judas. 33 Sa galit ni Nicanor, nagbanta siya na ang kamay ay nakaturo sa Templo, “Kapag hindi ninyo ibinigay sa akin si Judas, ipaguguho ko ang Templong ito. Wawasakin ko ang inyong altar, at sa dako ring ito'y magtatayo ako ng isang magandang Templo upang parangalan si Dionisio.” 34 Pagkasabi nito, siya'y umalis. Nabahala ang mga pari, kaya't nanalangin silang lahat na nakataas ang kamay sa di-nagmamaliw na Tagapagtanggol ng kanilang bansa, 35 “Panginoon ng lahat, alam naming di ka nangangailangan ng anuman; gayon pa man, sumang-ayon kang magtayo kami ng Templong iyong matitirhan sa gitna namin. 36 Dahil dito, O Kabanal-banalan, ingatan mong walang dungis ang tahanang ito na hindi pa natatagalang nalilinis!”
Naging Martir si Razis
37 May isang matandang pinuno ng Jerusalem na ang pangalan ay Razis. May nagsumbong kay Nicanor na ang taong ito ay labis na iginagalang at itinuturing na “Ama ng mga Judio” dahil sa pag-ibig sa mga kababayan. 38 Sa unang mga araw ng paghihimagsik, isinuong niya ang sarili sa panganib alang-alang sa pananampalatayang Judio at dinala pa sa hukuman dahil sa pagiging matapat sa kanyang relihiyon. 39 Para patunayan ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio, nagpadala agad si Nicanor ng 500 kawal upang hulihin si Razis. 40 Inisip niyang kung mahuli ito ay masasaktang mabuti ang mga Judio. 41 Nilusob nga nila ang toreng pinagkukublihan ni Razis at malapit nang makuha. Habang pinagsisikapan nilang buksan ang pintuang-pasukan, ang mga kawal ay nag-utos din na sunugin ang pinto. Nawalan na ng pag-asa si Razis na siya'y makakaligtas, kaya't nagsaksak siya sa sarili. 42 Pinili niya ang mamatay na marangal kaysa mapasakamay ng mga tampalasan at ilagay sa kahihiyan.
43 Sa pagmamadali niya'y hindi naging mortal ang kanyang sugat. Pagpasok ng mga kaaway, ang ginawa niya'y umakyat sa taluktok ng tore at mula roo'y buo ang loob na tumalon sa gitna ng maraming tao. 44 Mabilis namang umilag ang mga tao at siya'y bumagsak sa lupa. 45 Hindi pa rin siya namatay, kaya't bumangon siyang buo pa rin ang loob, bagaman umaagos ang dugo sa mga sugat na natamo. Tumakas siya sa gitna ng mga tao at umakyat sa isang matarik na bundok. 46 Ubos na halos ang dugo niya sa katawan nang tumayo siya, dinakot ng dalawang kamay ang kanyang bituka, ubos-lakas na hinatak ito at inihagis sa mga tao, habang nananalangin sa Diyos na nagbibigay ng buhay at ng espiritu, na ibalik sa kanya ang nawalang sangkap ng kanyang katawan. Sa ganyang paraan namatay si Razis.
+ 14:15 1 Mcb. 7:27-28. + 14:31 1 Mcb. 7:29-30.