15
Ang Kalapastanganan ni Nicanor
Nalaman ni Nicanor na si Judas at ang mga kasamahan nito ay nasa lupain ng Samaria, kaya't ipinasya niyang salakayin sila. Para makatiyak na ligtas siya sa panganib, inisip ni Nicanor na gawin ito sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit ang mga Judiong napilitang sumama sa kanya ay nagsumamo, “Huwag po ninyong gawin ang inyong napakalupit na balak. Igalang po ninyo ang araw na dinakila, ginawang higit sa alinmang araw, at pinabanal ng Diyos na nakakakita ng lahat.” “Bakit, mayroon bang namamahala ng kalangitan na nag-utos na igalang ang araw na iyon?” tanong ng buhong na si Nicanor. Sumagot ang mga Judio na mayroon, at iyon ay ang Diyos na buháy, ang hari ng langit at siya ring nag-utos na igalang ang Araw ng Pamamahinga.
Ganito ang tugon ni Nicanor: “Ako naman ang hari dito sa lupa at iniuutos kong kunin ninyo ang inyong mga sandata at sundin ang aking kagustuhan.” Gayunman, hindi siya nagtagumpay sa maitim niyang balak.
Naghandang Makipaglaban si Judas
Napakahambog ni Nicanor—hindi pa ma'y ipinamamalita nang siya'y magpapagawa ng isang bantayog upang maging alaala ng kanyang pagtatagumpay laban kay Judas at sa mga tauhan nito. Subalit si Judas Macabeo ay hindi nabahala; lubos ang kanyang pagtitiwala na tutulungan sila ng Panginoon. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na huwag matakot, sa halip ay alalahanin nila ang natamong tulong mula sa kalangitan noong mga nakaraang panahon ng kagipitan, at umasa silang kahit ngayon ay ipagkakaloob sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat ang tagumpay. Pinasigla niya sila sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, at ipinapaalala sa kanila ang natamo na nilang mga pagtatagumpay sa labanan. 10 Nang handa na sila, iniutos ni Judas ang dapat gawing pagtatanggol. Ipinaalala niya na hindi mapagkakatiwalaan ang mga Hentil sapagkat sumisira sila sa mga kasunduan. 11 Higit sa sandatang ibinigay niya sa kanyang mga tauhan ay ang kanyang mga salitang nagpalakas ng kanilang loob. Isang pangitaing nakita niya ang kanyang isinaysay upang patatagin ang loob ng kanyang mga tauhan.
12 Nakita raw niya sa pangitain si Onias, dating Pinakapunong Pari at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbaba, magaling magsalita, at mula sa pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio. 13 Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan. 14 Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: “Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab kung manalangin para sa banal na lunsod.”
15 Iniunat ni Jeremias ang kanyang kanang kamay at iniabot kay Judas ang isang espadang ginto at habang iniaabot iyon ay ganito ang sabi: 16 “Tanggapin mo ang banal na espadang ito, na kaloob ng Diyos. Gamitin mo ito at lipulin mo ang iyong mga kaaway.”
17 Sumigla ang mga puso't damdamin ng mga Judio sa mga sinabi ni Judas. Lumakas ang loob nila, kaya't maging ang mga kabataan ay lumaban nang ubod-tapang. Sapagkat nanganganib ang lunsod, ang kanilang relihiyon, ang Templo at ang mga sagradong kagamitan doon, minabuti na nilang sumalakay at kahit na manu-mano ay lutasin ang suliraning ito. 18 Nangingibabaw ang pagmamalasakit nila sa banal na Templo; pangalawa lamang sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga mahal nila sa buhay, asawa't anak at kamag-anak. 19 Ang lahat ng naiwan sa lunsod ay pawang balisa tungkol sa kahihinatnan ng labanan nila sa kapatagan.
Nalupig at Namatay si Nicanor
20 Bawat isa'y nananabik sa magiging wakas. Papalapit na ang kaaway, kasama ang mga elepante at ang mga mangangabayo sa magkabilang panig. 21 Nang makita ni Judas Macabeo ang dumarating na malaking hukbo ng kaaway, ang kanilang mga sandata at kagamitang nakahihigit, at ang mababangis na mga elepante, itinaas niya ang kanyang mga kamay at dumalangin sa Diyos na mapaghimala, sapagkat alam niyang ang pagtatagumpay ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo kundi sa kalooban ng Diyos. 22 Ganito+ ang kanyang panalangin: “Noong panahon ng Haring Hezekias ng Juda, isinugo mo ang iyong anghel, at sa hukbo ni Senaquerib ay 185,000 kawal ang napatay. 23 Kataas-taasang Hari sa kalangitan, sa unahan nami'y isugo mo ngayon ang isang anghel na maghahasik ng takot at pagkabahala sa aming mga kaaway. 24 Sa taglay mong lakas, hampasin mo sila na lumalait sa iyong mga lingkod!” Dito niya winakasan ang kanyang dalangin.
25 Sa+ hudyat ng mga trumpeta at mga awiting pandigma, ang hukbo ni Nicanor ay nagpatuloy sa paglapit, 26 ngunit hinarap sila ni Judas at ng mga tauhan nito na tumatawag sa Diyos upang sila'y tulungan. 27 Ginamit nila ang kanilang mga bisig sa paglaban habang sa puso naman ay dumadalangin sila sa Diyos. Sa labanang iyon, 35,000 kaaway ang kanilang napatay. Gayon na lamang ang pasasalamat nila sa kapangyarihang ipinadama sa kanila ng Diyos. 28 Nang matapos ang labanan, masayang-masaya silang umuwi dahil sa tinamong tagumpay, at nakita nila ang bangkay ni Nicanor na suot pa ang kanyang baluti. 29 Napasigaw sila sa tuwa at sa kanilang sariling wika'y pinuri nila ang Panginoon.
30 Sa utos ni Judas, na ang katawa't kaluluwa'y tagapagtanggol ng mga kababayan sapul pagkabata, ipinaputol ang ulo't kanang kamay ni Nicanor upang dalhin sa Jerusalem. 31 Pagbabalik nila roon, tinipon ni Judas ang mga Israelita, nagtalaga ng mga pari sa harap ng altar, at tinawag ang lahat ng tauhang nasa tanggulan. 32 Ipinakita niya sa kanila ang ulo ng tampalasang lapastangang si Nicanor at ang kamay nito na buong paghahambog na iniunat laban sa banal na Templo ng Makapangyarihang Diyos. 33 Ang dila ni Nicanor ay pinutol din ni Judas para tadtarin at ipakain sa mga ibon. At ipabitin naman sa tapat ng Templo ang ibang parte ng katawan nito. 34 Lahat ng naroroon ay tumingala sa langit at nagpuri sa Panginoon na naghayag ng kanyang banal na kapangyarihan at nag-ingat sa Templo upang ito'y manatiling malinis. 35 Kinuha ni Judas ang ulo ni Nicanor at ibinitin sa pader ng kuta bilang katibayan ng tulong na ibinigay ng Panginoon. 36 Nagkaisa+ ang lahat na aalalahanin nila ang araw na ito at ipagdiriwang tuwing ika-13 araw ng ika-12 buwan ng taon na tinatawag na buwan ng Adar sa wikang Aramaico, at ang araw na ito ay bisperas ng Araw ni Mordecai.
Pagwawakas
37 Ang kasaysayan ni Nicanor ay nagwakas sa ganitong paraan. Mula noo'y nanatili sa kamay ng mga Judio ang lunsod, kaya't dito ko na rin tatapusin ang aking pagsasalaysay. 38 Kung ang pagkakasulat ko nito ay maayos at madaling maintindihan, ito ang nais kong mangyari. Kung hindi naman, ginawa ko na ang lahat ng aking makakaya. 39 Hindi mabuti ang uminom ng purong alak o tubig lamang ngunit ang pinaghalo nito ay masarap at nakakasiyang inumin. Gayon din, ang kasaysayang isinulat nang maayos ay nakakasiya sa bumabasa nito. Sa ganitong diwa, winawakasan ko ang kasaysayang ito.
+ 15:22 2 Ha. 19:35. + 15:25 1 Mcb. 7:43-50. + 15:36 1 Mcb. 7:49.