Ang Magandang Balita ayon kay
MATEO
Panimula
Ang Magandang Balita ayon kay Mateo ay naglalahad na si Jesus ang katuparan ng ipinangakong pagliligtas ng Diyos sa mga aklat ng Lumang Tipan. Sa pamamagitan ng paggamit ng maraming talatang hango sa Lumang Tipan, binigyang-diin ng sumulat ng aklat na ito na si Jesus na taga-Nazaret ang hinihintay na Manunubos ng bansang Israel, ang bayang hinirang ng Diyos. Subalit kahit na si Jesus ay isinilang at namuhay sa lupain ng mga Judio, ang Magandang Balitang ito ay hindi lamang para sa kanila kundi para sa lahat ng tao.
Maingat na inilalahad sa aklat ni Mateo ang mga pangyayari sa buhay ni Jesus: ang pagsilang, ang pagbautismo at ang pagtukso sa kanya, ang kanyang pangangaral, pagtuturo at pagpapagaling ng mga tao sa Galilea at sa iba pang mga lugar. Inilalahad din dito ang paglalakbay ni Jesus mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem at ang mga pangyayari sa loob ng huling linggo ng kanyang buhay dito sa lupa. Ito'y nagtatapos sa kanyang pagkapako sa krus, muling pagkabuhay, at pagsusugo sa kanyang mga alagad.
Sa aklat na ito, si Jesus ay ipinapakilala bilang dakilang Guro na may kapangyarihang magpaliwanag ng Kautusan ng Diyos at mangaral tungkol sa kaharian ng langit. Ang mahahalagang turo ni Jesus na nilalaman ng aklat na ito ay nahahati sa limang pangkat: (1) ang Sermon sa Bundok na tumatalakay sa mga katangian, tungkulin, karapatan, at kahihinatnan ng mga taong pinaghaharian ng Diyos (kabanata 5–7); (2) mga tagubilin sa labindalawang alagad tungkol sa kanilang mga dapat gawin (kabanata 10); (3) mga talinghaga ukol sa paghahari ng Diyos (kabanata 13); (4) mga turo tungkol sa kahulugan ng pagiging alagad (kabanata 18); at (5) mga turo tungkol sa magiging wakas ng kasalukuyang panahon at sa nalalapit na Paghahari ng Diyos (kabanata 24–25).
Pinapaniwalaang isinulat ni Mateo ang aklat na ito unang-una para sa mga Judio upang sila'y sumampalataya na si Jesu-Cristo ang katugunan ng matagal na nilang hinihintay na pagliligtas ng Diyos sa kanyang bayang pinili.
Nilalaman
Talaan ng angkan at kapanganakan ni Jesu-Cristo 1:1–2:23
Ang paglilingkod ni Juan na Tagapagbautismo 3:1-12
Ang pagbautismo at pagtukso kay Jesus 3:13–4:11
Ang paglilingkod ni Jesus sa Galilea 4:12–18:35
Mula sa Galilea hanggang sa Jerusalem 19:1–20:34
Ang huling linggo bago namatay si Jesus 21:1–27:66
Ang muling pagkabuhay at mga pagpapakita ng Panginoong Jesus 28:1-20
1
Talaan ng mga Ninuno ni Jesu-Cristo
(Lu. 3:23-38)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.
2-6 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid; Juda na ama ni Fares at Zara kay Tamar; Fares, Esrom, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab; Obed na anak ni Boaz kay Ruth; at Jesse na ama ni Haring David.
7-11 Mula naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Ammon, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.
12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus—ang tinatawag na Cristo.
17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo.
Isinilang si Jesu-Cristo
(Lu. 2:1-7)
18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo.
21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria.
25 Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.