33
Ang Paglalakbay ng Israel
Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula.
Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto.
Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon.
10 Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula.* 11 Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. 12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. 13 Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. 14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig.
15-37 Mula sa Refidim hanggang sa bundok ng Hor, sila ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: ilang ng Sinai, Kibrot-hataava, Hazerot, Ritma, Rimon-farez, Libna, Rissa, Ceelata, Bundok ng Sefer, Harada, Maquelot, Tahat, Tare, Mitca, Asmona, Moserot, Bene-yaacan, Hor-haguidgad, Jotbata, Abrona, Ezion-geber, ilang ng Zin na tinatawag na Kades, at sa Bundok ng Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom.
38-39 Sa utos ni Yahweh, ang paring si Aaron ay umakyat sa Bundok ng Hor. Namatay siya roon sa gulang na 123 taon. Noo'y unang araw ng ikalimang buwan, ika-40 taon mula nang umalis sila sa Egipto.
40 Nabalitaan+ ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.
41-49 Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.
Ang mga Hangganan sa Canaan
50 Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, 51 “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, 52 palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. 54 Hatiin+ ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. 55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. 56 Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.”
* 33:10 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo. + 33:40 Bil. 21:1. + 33:54 Bil. 26:54-56.