34
1 Sinabi ni Yahweh kay Moises
2 ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito:
3 Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay,
4 ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon,
5 at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat.
6 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo.
7 “Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor,
8 ang Hamat, ang Zedad;
9 at ang Zifron hanggang Hazar-enan.
10 “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam;
11 ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret,
12 at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.”
13 Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan.
14 Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan.
15 Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.”
Ang mga Namahala sa Paghahati ng Lupain
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
17 “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain.
18 Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.”
19-28 Ito ang mga pinuno na napili ni Yahweh:
Lipi | Pinuno |
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Simeon | Selemuel na anak ni Amiud |
Benjamin | Elidad na anak ni Cislon |
Dan | Buqui na anak ni Jogli |
Manases | Haniel na anak ni Efod |
Efraim | Kemuel na anak ni Siftan |
Zebulun | Elisafan na anak ni Parnah |
Isacar | Paltiel na anak ni Azan |
Asher | Ahiud na anak ni Selomi |
Neftali | Pedael na anak ni Amiud |
29 Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel.