3
Panalangin sa Umaga
Awit+ ni David nang siya'y tumatakas mula kay Absalom.
1 O Yahweh, napakarami pong kaaway,
na sa akin ay kumakalaban!
2 Ang lagi nilang pinag-uusapan,
ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah)*
 
3 Ngunit ikaw, Yahweh, ang aking sanggalang,
binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan.
4 Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong,
sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah)†
 
5 Ako'y nakakatulog at nagigising,
buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin.
6 Sa maraming kalaba'y di ako matatakot,
magsipag-abang man sila sa aking palibot.
 
7 Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako!
Parusahang lahat, mga kaaway ko,
kapangyarihan nila'y iyong igupo.
8 Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay;
pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)‡
+ 3: 2 Sam. 15:13–17:22. * 3:2 SELAH: Ang kahulugan ng salitang ito'y hindi tiyak, subalit sa tekstong Hebreo, ito'y maaaring ginamit bilang isang simbolong pangmusika na nagbibigay ng hudyat sa pag-awit o pagtugtog. † 3:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. ‡ 3:8 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.