4
Panalangin sa Gabi
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.
1 Sagutin mo po ang aking pagtawag,
O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.
 
2 Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)*
 
3 Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.
 
4 Huwag+ hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)†
5 Nararapat na handog, inyong ialay,
pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.
 
6 Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
7 Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
higit pa sa pagkain at alak na inumin.
 
8 Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.
* 4:2 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2. + 4:4 Ef. 4:26. † 4:4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.