55
Panalangin ng Isang Pinagtaksilan ng Kaibigan
Isang Maskil ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.
1 Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan,
mga daing ko ay huwag namang layuan.
2 Lingapin mo ako, ako ay sagipin,
sa bigat ng aking mga suliranin.
3 Sa maraming banta ng mga kaaway,
nalilito ako't hindi mapalagay.
Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan,
namumuhi sila't may galit ngang tunay.
4 Itong aking puso'y tigib na ng lumbay,
sa aking takot na ako ay pumanaw.
5 Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig,
sinasaklot ako ng sindak na labis.
6 Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad;
hahanapin ko ang dakong panatag.
7 Aking liliparin ang malayong lugar,
at doon sa ilang ako mananahan. (Selah)
8 Ako ay hahanap agad ng kanlungan
upang makaiwas sa bagyong darating.”
9 Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito,
yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo.
10 Sa lunsod na puno ng sama't ligalig,
araw-gabi'y doon sila lumiligid;
11 Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian;
pati pang-aapi ay nasasaksihan.
12 Kaya kong mabata at mapagtiisan,
kung ang mangungutya ay isang kaaway;
kung ang maghahambog ay isang kalaban,
kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan!
13 Ang mahirap nito'y tunay kong kasama,
aking kaibigang itinuturing pa!
14 Dati'y kausap ko sa bawat sandali
at maging sa templo, kasama kong lagi.
15 Biglang kamatayan nawa ay dumating,
ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay;
sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan.
16 Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo;
aking natitiyak, ililigtas ako.
17 Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin.
Aking itataghoy ang mga hinaing,
at ang aking tinig ay kanyang diringgin.
18 Ililigtas ako mula sa labanan,
at pababaliking taglay ang tagumpay,
matapos gapiin ang mga kaaway.
19 Ang Diyos na hari sa mula't mula pa
ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah)
pagkat ni sa kanya'y wala silang takot,
ayaw nang magbago at magbalik-loob.
20 Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban;
at hindi tumupad sa 'ming kasunduan.
21 Ang dulas ng dila'y parang mantekilya,
ngunit nasa puso pagkapoot niya;
ang mga salita niya'y tulad ng langis,
ngunit parang tabak ang talas at tulis.
22 Ilagak kay Yahweh iyong suliranin,
aalalayan ka't ipagtatanggol rin;
ang taong matuwid, di niya bibiguin.
23 Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao,
O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo.
Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig,
ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig.